NAGLABAS ng show cause order ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa ride-hailing company na Move It, na inatasang magpaliwanag kaugnay ng alegasyon na lumampas ito sa itinakdang rider cap at nabigong iulat ang activation, deactivation, at reactivation ng kanilang mga rider.
Ang show cause order ay nag-ugat mula sa pag-amin ng isang kinatawan ng Move It sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services na nabigo ang kumpanya na ipaalam sa ahensya ang pagbabago o pagtaas ng bilang ng kanilang rider.
Sa inilabas na kautusan, binigyan ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz ang Move It ng limang araw upang magsumite ng isang notaryadong sagot kung bakit hindi ito dapat masuspinde o tanggalin mula sa Motorcycle Taxi Pilot/Study Program.
Inatasan din ni Guadiz ang Move It na humarap sa Motorcycle Taxi Technical Working Group (MC Taxi TWG) sa pagdinig na gagawin sa tanggapan ng LTFRB office sa Quezon City sa Disyembre 18.
“Failure on the part of respondent (Move It) to file its Answer within the prescribed period and to attend the hearing of this case on the aforementioned date shall be considered a waiver on its part to be heard,” babala ni Guadiz.
Sinabi ni Guadiz na maaaring maparusahan ang Move It ng suspensiyon dahil sa kapabayaan nito.
Samantala, inaasahan namang ilalabas ng Philippine Competition Commission (PCC) sa linggong ito ang kanilang desisyon ukol sa isyu ng double franchising ng Grab Philippines sa motorcycle ride-hailing industry.
Binili kamakailan ng Grab ang Move It, ngunit plano rin nitong magpasok ng isa pang player sa motorcycle taxi industry sa pamamagitan ng Grab Bike service.
Iginiit ng isang motorcycle organization na dapat mag-operate bilang iisang entity ang Grab Bike at Move It, dahil pareho silang pagmamay-ari ng isang kumpanya.
3