LTFRB WHISTLEBLOWER ‘DI NAPIGA, NA-CONTEMPT

IPINAKULONG ng Kamara ang whistleblower na si Jefferson Tumbado sa umano’y katiwalian sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil sa paiba-ibang sagot.

“Hearing no objection to the motion of Honorable (Rodante) Marcoleta citing Mr. Tumbado in contempt, the chair hereby declare Mr. Tumbado in contempt and be detain in Congress for a maximum of ten days,” ani Antipolo City Rep. Romeo Acop, chairman ng House committee on transportation.

Hindi naitago ni Marcoleta ang pagkapikon at pagkadismaya kay Tumbado dahil wala umanong nakuhang maayos na sagot ang mga mambabatas hinggil sa isiniwalat nitong katiwalian sa LTFRB.

Inihalimbawa ng mambabatas ang text message na nakuha ng mga mambabatas hinggil sa umano’y panghihingi ng lagay para sa prangkisa na noong una ay sinabi ni Tumbado na authentic subalit kalaunan ay inamin na splice kaya hindi na authentic.

Dahil dito, sinabi ni Marcoleta na hindi na dapat paniwalaan si Tumbado kaya nagmosyon ito na icontempt ang witness. Sinayang umano nito ang oras ng mga mambabatas sa pagdalo sa hearing subalit wala namang nakuhang maayos na impormasyon sa kanya.

Bago ito, kinuwestiyon ni Marcoleta si Tumbado hinggil sa kanyang affidavit sa National Bureau of Investigation (NBI) na nagsasabing natatakot ito sa kanyang kaligtasan kaya niya binawi ang alegasyon laban kay suspended LTFRB chairman Teofilo Guadiz II. Subalit sa pagtatanong ay itinanggi nito na may nanakot sa kanya para bawiin ang mga pahayag sa kanyang press conference noong October 11.

“Kanina pa kami nabubuwisit sa iyo eh, sa totoo lang. Sinayang mo ang oras ng bawat isang pumunta dito. Mababayaran mo ba ang damage na ginawa mo? Ayaw naming sayangin ang oras namin Mr. Tumbado kung ang sagot mo ay paganyan-ganyang lang. Wala kaming panahon para sa iyo,” ani Marcoleta.

Sinita rin ng ilang mambabatas si Tumbado dahil sinira umano nito ang reputasyon ni Guadiz sa kanyang mga alegasyon na kalaunan ay binawi nito at sinabing masama lang ang loob niya sa LTFRB chief.

(BERNARD TAGUINOD)

159

Related posts

Leave a Comment