MAAGANG SHIPMENT NG ASUKAL PINABUBUSISI

PINABUBUSISI ni Senador Risa Hontiveros sa Senate Blue Ribbon Committee ang mga pumasok na sugar shipments sa bansa bago pa man inilabas ang Sugar Order No. 6 para sa importasyon.
Sa kanyang Senate Resolution 497, ibinunyag ni Hontiveros ang shipment ng 260 na 20-foot containers na dumating sa port of Batangas noong Pebrero 9 na naka-consign sa All Asian Countertrade Incorporated.

Ito ay kahit noong Pebrero 15 pa lamang inilabas ng Sugar Regulatory Administration ng Sugar Order No. 6 para sa pag-aangkat ng 440,000 metric tons ng asukal.

Sa proseso, sisimulan pa lamang tumanggap ng aplikasyon para sa importasyon ang SRA limang araw matapos ang effectivity ng kautusan.

Kung masusunod anya ang tamang proseso, ang pinakamaagang petsa na darating ang mga sugar importation sa bansa ay Marso 1, 2023.

Sa impormasyon ng senador, tatlong importers na ang nabigyan ng authority to import ng SRA na kinabibilangan ng All Asian Countertrade, Sucden Philippines Inc. at Edison Lee Marketing Corporation.

Dalawa anya sa mga ito ay nabigyan na ng authority ng DA noon pang Enero 13.

Isa pa anyang nakakabahala sa Sugar Order 6 ay nagbibigay ng diskresyon sa DA na i-waive ang pagbabayad ng performance bond.

Dahil sa nakadududang timeline, iginiit ni Hontiveros na dapat magkaroon ng imbestigasyon kung paano pinapayagang makapasok sa bansa ang sugar shipments kahit hindi pa nailalabas ang Sugar Order.

“At a time of high prices and sugar shortages it is imperative to review policies that allow the favoring of powerful players and importers and create virtual monopolies on basic commodities,” pahayag ni Hontiveros sa kanyang resolution.

Iginiit pa ni Hontiveros na kung may matukoy na indibidwal na sangkot sa fiasco, dapat irekomenda ng Senado ang paghahain ng kasong paglabag sa Anti-Agricultural Smuggling Act at Anti-Graft and Corrupt Practices Act. (Dang Samson-Garcia)

192

Related posts

Leave a Comment