MAGKAKAPAMILYA SUGATAN SA NAAKSIDENTENG SUV

SUGATAN ang limang magkakapamilya nang ang sinasakyan ng mga itong SUV ay mahulog sa kanal sa gilid ng Maharlika highway sa bayan ng Plaridel, Quezon nitong Sabado ng madaling araw.
Ayon sa report ng Plaridel police, pauwi sa Sorsogon ang pamilya galing sa Metro Manila nang mangyari ang insidente sa Barangay Concepcion dakong alas-2:00 ng madaling araw.
Lumalabas sa imbestigasyon na saglit napaidlip ang 22-anyos na anak na lalaki na si Shawn Sebaschen Barba na siyang nagmamaneho sa naaksidenteng Toyota Veluz kaya nag-overshoot ito sa matalim na kurbada.

Bumangga muna ang sasakyan sa kongkretong pader bago ito nahulog at tumagilid sa kanal.

Nagtamo ng pinsala ang lahat ng sakay at isinugod sa ospital sa bayan ng Gumaca.

Bukod sa driver, kinilala ang iba pang mga nasugatan na sina Jomar Barba, 47; misis nito na si Alma Barba, 42; at dalawa pang kapamilya na sina Vincent Barugo, 18, at Emerita Barugo. (NILOU DEL CARMEN)

158

Related posts

Leave a Comment