MAHIGIT P20-M MARIJUANA NASAMSAM NG PNP, PDEA

MAHIGIT P20 milyong halaga ng marijuana ang nasamsam ng mga tauhan ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency sa magkahiwalay na operasyon nitong nakalipas na linggo.

Nasamsam ng pulisya ang marijuana na nagkakahalaga ng P13.3 milyon kasunod ng aksidente sa Purok 4, Barangay Bone South, Aritao, Nueva Vizcaya.

Ayon kay Police Brig. Gen. Antonio P. Marallag Jr., Cagayan Valley Region Police Director, isang sasakyan ang bumangga sa isang concrete barrier bandang alas-3 ng hapon.

Napansin ng nagrespondeng mga pulis na nag-aalis ng mga sako sa sasakyan ang mga pasahero kaya nagsagawa sila ng inspeksyon at tumambad sa kanila ang 111 tuyong marijuana bricks na nagkakahalaga ng P13.3 milyon.

Kinilala ang hinihinalang drug couriers na sina alyas “Francis”, 24; “Monier”, 21, at “Yas”, isang wanted na indibidwal.

Habang sa isinumiteng ulat kay PDEA Director General Moro Virgilio Lazo mula sa tanggapan ng PDEA Cordillera Autonomous Region na pinamumunuan ni PDEA-CAR Regional Office Director Derrick Carreon, nasa P9,000,000 halaga ng ipinagbabawal na damo ang kanilang sinunog sa inilunsad na marijuana eradication mula sa nadiskubreng taniman sa Brgy. Saclit, Sadanga, Mountain Province.

Nagsasagawa ng marijuana eradication operation ang mga law enforcement officer mula sa Philippine Drug Enforcement Agency-Cordillera (PDEA-CAR) Mt. Province Provincial Office, Sadanga Municipal Police Station, PIU/PDEU at PMFC, nang madiskubre nila ang 45,000 fully grown marijuana plants sa naturang taniman na tinatayang may lawak na 1,800 square meters.

Walang marijuana cultivator na naaresto ang mga awtoridad mula sa nadiskubreng taniman ng marijuana. (JESSE KABEL RUIZ)

38

Related posts

Leave a Comment