MANGYAN PATAY SA TRUCK

BATANGAS – Patay ang isang katutubong Mangyan nang maipit ng isang truck na sumalpok sa harap ng establisyementong kanyang tinutulugan sa Brgy. Taysan, sa bayan ng San Jose sa lalawigang ito, noong Lunes ng umaga.

Dead on the spot ang biktimang si Bay-in Yun-im, 36, residente ng Bongabong, Oriental Mindoro.

Ayon sa report ng San Jose Police, nangyari ang insidente mag-aalas-6:00 ng umaga, nang magkasabitan muna ang magkasalubong na dump truck at isa pang boom truck sa JP Laurel National Highway matapos na sakupin ng dump truck ang linya ng mga kasalubong.

Dahil sa salpukan, tumagilid sa kalsada ang boom truck na minamaneho ni Allan Laguna, samantalang nawalan naman ng kontrol ang nagmamaneho ng dump truck at inararo ang tindahan ng motorsiklo na nasa gilid ng highway.

Bunsod nito, nasagasaan nito ang biktima na natutulog sa bangketa sa harapan ng establisyemento.

Tumakas ang hindi pa nakilalang driver ng truck matapos ang insidente.

(NILOU DEL CARMEN)

132

Related posts

Leave a Comment