MARY JANE VELOSO INILIPAT SA JAKARTA

NAUDLOT ang pagbisita ng pamilya ng Filipina death row convict na si Mary Jane Veloso sa Indonesia matapos makansela ang kanilang dapat sana’y byahe patungo sa nasabing bansa.

“Kami, mga magulang at anak ni Mary Jane ay nanghihinayang na hindi kami matutuloy sa pagbisita kay Mary Jane dahil napaghandaan po namin ito at nasasabik namin siyang makasama makalipas ng isang taon mula nang huli naming bisita sa kanya,” ang nakasaad sa isang kalatas.

Nakansela ang December 16 hanggang 18 trip ng pamilya Veloso sa Yogyakarta matapos na ipaalam sa kanila na nakatakdang ilipat si Mary Jane sa Jakarta.

“Ayon sa DFA, ngayong araw nakatakda ang pagbiyahe ni Mary Jane papuntang Jakarta para simulan ang proseso ng kanyang pag-transfer sa Pilipinas, alinsunod sa utos ng Indonesian Ministry for Law, Human Rights, Immigration and Corrections,” ang sinabi nina Celia at Cesar Veloso.

Sinabi ng pamilya Veloso na walang pagsidlan ang kanilang kasiyahan na makauuwi na ng Pilipinas si Mary Jane kahit pa walang depinidong petsa ng kanyang pagdating.

Sa kabilang dako, sinabi ni Indonesian Minister for Human Rights and Corrections Yusril Ihza Mahendra na nais ni Indonesian President Prabowo Subianto na makabalik ng Pilipinas si Veloso bago sumapit ang Pasko.

Sa ulat, pino-proseso na ang pagbabalik sa Pilipinas ni Mary Jane.

“It’s wonderful right? This was already discussed for more than 10 years, finally we can settle this method only around two months. President Prabowo is very fast to take decision,” ayon kay Mahendra.

Ang 39 taong gulang na si Veloso ay inaresto at hinatulan ng parusang kamatayan sa Indonesia dahil sa pagdadala ng ilegal na droga noong 2010.

Pinasalamatan naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Indonesian President Prabowo Subianto, at ang Indonesian government sa kanilang kabutihang-loob, at pagpapamalas ng dalawang bansa ng pagtutulungan sa usapin ng hustisya at pagmamalasakit dahil makauuwi na ng Pilipinas si Mary Jane Veloso.

Bagama’t maililipat na sa Philippine custody si Veloso, mananatili naman ang naging hatol sa kanya ng Indonesian court.

Samantala, igagalang ng Indonesian government ang anomang desisyon ng administrasyong Marcos sa sitwasyon ni Veloso kabilang na ang pagkakaloob ng clemency. (CHRISTIAN DALE)

4

Related posts

Leave a Comment