MASS HIRING NG TEACHERS HIRIT SA DEPED

MULING umapela ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa Department of Education (DepEd)  na magpatupad ng mass hiring sa teaching position ng departamento upang maipatupad nang maayos ang safety health protocols sa face-to-face classes sa susunod na school year.

Ayon sa nasabing grupo na kinakatawan ni Rep. France Castro sa Kamara, kailangang maibaba sa 35 ang bilang ng mga estudyante sa isang klase mula sa 60 hanggang 70 bago nagkaroon ng pandemya sa COVID-19.

Ipinaliwanag ni Vladimer Quetea na noong Pebrero 2021, umabot sa 26,000 teaching positions sa DepEd ang hindi pa nalalagyan ng mga tao gayung sangkatutak umano ang mga aplikante.

Bukod dito, nakasaad umano sa 2022 General Appropriations Act na kukuha ng karagdagang 10,000 guro ang DepEd na nangangahulugan na may pondo na para rito subalit hindi kumukuha ng mga bagong guro ang ahensya lalo ang nakaraang administrasyon.

Pinalalala umano ng DepEd ang sistema ng edukasyon sa bansa dahil sa kabagalan ng mga ito na punuan ang mga bakanteng posisyon kaya siksikan ang mga estudyante sa isang silid-aralan.

Natambakan umano ng bakanteng posisyon ang DepEd dahil taon-taon ay 1,500 hanggang 2,500 lamang ang kinukuha nilang bagong guro gayung binigyan na ang mga ito ng pondo.

Dahil dito, umaasa ang nasabing grupo na sa pamamagitan ng bagong administrasyon ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte ay magkakaroon na ng mass hiring sa ahensya. (BERNARD TAGUINOD)

91

Related posts

Leave a Comment