APAT na mga tauhan ng Philippine Army mula sa AFP Joint Task Force Basilan ang nasugatan nang makasagupa nila ang isang pulutong ng Abu Sayyaf sa ilalim ng pamumuno ng isang Pasil Bayali noong Sabado ng umaga.
Ayon kay Brig. Gen. Domingo Gobway, commander ng JTF Basilan, nagsasagawa ng combat operations ang kanilang mga tauhan nang masabat ang isang pulutong ng mga Abu Sayyaf sa Barangay Sucaten, Sumisip, Basilan bandang alas-7:31 ng umaga.
Matapos ang ilang minutong bakbakan tumakas ang ektremistang grupo subalit natunton silang muli ng mga sundalo kaya nagkaroon muli ng sagupaan.
Sugatan din ang tumakas na mga terorista kaya binitiwan na ang kanilang mga armas na kinabibilangan ng tatlong M16A1 rifles, 20 long magazines, limang short magazines, tatlong bandoliers, at 619 rounds ng bala para sa M16 armalite.
Samantala, umabot naman sa apat na sundalo ang nasugatan sa labanan ngunit mabilis ding nailikas para malapatan ng lunas. (JESSE KABEL)
161