Naunang team nagpahinga muna NEW BATCH NG RETRIEVAL TEAM UMAKYAT SA CESSNA CRASH SITE

UMAKYAT na ang bagong grupo ng retrieval team sa Mt. Mayon nitong Martes ng umaga upang tumulong na maibaba ang mga labi ng apat na mga biktimang namatay sa pagbagsak ng eroplano malapit sa crater ng bulkan sa Camalig, Albay.

Ayon kay incident commander at Camalig, Albay Mayor Carlos Baldo, alas-5:00 ng umaga nang tumulak ang fresh team na binuo para mapalitan at makapagpahinga ang mga naunang umakyat sa bundok.

Ito na ang ika-11 araw mula nang mag-crash ang Cessna plane noong Pebrero 18.

Noong Lunes, pansamantalang itinigil muli ang retrieval operation dahil hindi na kaya ng responders na mahigit isang linggo nang akyat-baba sa bundok.

Mahirap din ang terrain na nadagdagan pa ng pag-uulan at hangin dala ng malakas na amihan simula noong Linggo.

Ayon pa kay Mayor Baldo, hindi rin magamit sa ngayon ang mga helicopter na pinaplano sanang magiging madaling paraan upang makuha ang mga labi ng mga biktima dahil sa masamang panahon na nagdulot ng zero visibility sa lugar.

Kung sakali aniyang gaganda ang panahon sa mga susunod na oras o araw ay muling titingnan ang posibilidad na paggamit ng chopper sa pagbababa sa mga labi. (NILOU DEL CARMEN)

39

Related posts

Leave a Comment