NFA OFFICIALS GIGISAHIN DIN SA KAMARA

MAGSASAGAWA na ng imbestigasyon ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa bigas na ibinenta ng National Food Authority (NFA) sa mga pribadong negosyante na naging dahilan para suspendihin ng Office of the Ombudsman si NFA Administrator Roderico Bioco at 138 opisyales at empleyado ng ahensya.

Sa House Resolution (HR) 1611 na inakda nina Quezon Rep. Mark Enverga at ABONO party-list Rep. Robert Raymund Estrella, inaatasan ng mga ito ang House committee on agriculture and food na imbestigahan ang sinasabing anomalya.

Isa sa tutumbukin ng imbestigasyon ay kung may sabwatan sa pagitan ng opisyales at empleyado ng NFA sa mga pribadong negosyante dahil sa dalawang rice trader lamang ibinenta ang 75,000 bag ng NFA rice.

“The aforementioned disposition of NFA rice stocks without proper bidding and notices where the buyers were pre-selected, bereft of proper authorization from the NFA Council, violates the rules and guidelines on the proper disposition of NFA stocks,” bahagi ng resolusyon.

Nakasaad din sa resolusyon na ibinenta sa P1,250 ng NFA ang kanilang buffer stock o P25 kada kilo kung saan pinalitan lamang ng mga rice trader ang sako at ibinenta sa mas mahal na presyo.

Hindi naniniwala ang dalawang mambabatas na ang ibinentang bigas ay luma at nabubulok na dahil hindi ito bibilhin ng mga rice trader kung alam nilang hindi nila ito maibebenta at malulugi lamang sila.

Bukod dito, mahigpit na ipinagbabawal ng batas sa NFA na magbenta ng bigas sa rice traders dahil ang kanilang buffer stock ay ginagamit sa panahon ng kalamidad tulad ng bagyo at iba pang pangangailangan.

Kabilang sa mga ipatatawag sa imbestigasyon ang mga sinuspindeng opisyales ng NFA kasama si Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., upang pagpaliwanagin sa nasabing isyu.

(BERNARD TAGUINOD)

137

Related posts

Leave a Comment