BOC PASOK SA TONGPATS SA UKAY-UKAY

NAGPATAWAG ng imbestigasyon ang isang lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa patuloy umanong katiwalian sa Bureau of Customs (BOC) at ang pagtanggap ng ‘tongpats’ sa ukay-ukay na pinapayagan nilang makapasok sa bansa kahit bawal sa batas.

Sa House Resolution (HR) 1602 na inihain ni Manila Rep. Bienvenido Abante, isiniwalat nito na may ilang opisyales at empleyado ng BOC ang tumatanggap ng P1.5 million kapalit ng pagpayag ng mga ito sa mga ilegal na produkto tulad ng ukay-ukay.

“WHEREAS, some officials and employees of the Bureau of Customs (BOC) are allegedly receiving 1.5 Million tongpats in exchange for allowing the entry of illegal items such ukay-ukay, which is prohibited under RA 4653,” ayon sa mambabatas.

Ito marahil aniya ang dahilan kaya patuloy na bumabaha ng ukay-ukay sa bansa gayung ilegal ang mga kontrabandong ito.

Base sa nasabing batas, mahigpit na ipinagbabawal ang pag-aangkat ng mga used clothing at basahan para maproteksyunan ang kalusugan ng mga Pilipino at mamantina ang dignidad ng bansa.

May katapat na parusang dalawa hanggang limang taong pagkakabilanggo ang lalabag dito kasama na ang mga kasabwat ng mga importer sa gobyerno.

Bukod dito, nais ding alamin sa imbestigasyon kung bakit sa kabila ng Republic Act (RA) 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) ay patuloy ang katiwalian sa BOC.

“In light of all the safeguards outlined in RA 10863, illegally imported items are unable to enter the Philippines through our BOC ports without, allegedly, the assistance of an individual working inside the BOC,” pahayag pa ni Abante.

Dahil dito, kailangan aniyang makagawa ng batas ang Kongreso para matigil na ang katiwalian sa BOC at ang pagtatambak ng ukay-ukay sa bansa dahil maging ito ay naging ugat na rin ng korupsyon.

(BERNARD TAGUINOD)

30

Related posts

Leave a Comment