DALAWANG dalagitang nagtatrabaho bilang guest relations officer (GRO) sa Nueva Vizcaya, ang nasagip ng Caloocan City Police.
Ayon sa pulisya, Abril 1, 2022 nang i-post ng ina ng isa sa mga biktima na si alyas “Sara,” 16, ang larawan ng anak sa kanyang social media account at nakatanggap ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan nito noong Abril 7.
Dagling nagsumbong ang ina ni Sara sa mga pulis, at lumitaw sa imbestigasyon na nagtatrabaho si Sara sa isang bar sa Bambang, Nueva Vizcaya, at matapos ang koordinasyon ay sinagip siya noong Abril 9 kasama ang isa pang 16-anyos na si alyas “Leni.”
Ang mga biktima ay mga residente ang Barangay 178 at 176 sa North Caloocan na pinangakuan ng hanapbuhay ng isang Julieta Dautil, alyas “Lovely,” ng Sitio 4, Phase 6, Brgy. 176, Bagong Silang, na pinaghahanap ngayon ng mga pulis at kakasuhan ng two counts ng child trafficking. (ALAIN AJERO)
