HABANG tinitiyak na walang water supply cut sa Kalakhang Maynila, hinikayat naman ng National Water Resources Board (NWRB) ang publiko na magtipid sa paggamit ng tubig dahil pumapalo na lamang sa 190.75 metro ang water level ng Angat Dam.
Sinabi ni NWRB Director Sevillo David Jr., ang kasalukuyang water level sa Angat Dam ay mababa ng 10 metro kumpara sa nakalipas na taon.
“Bago pa nga ho pumasok iyong taon at bago magsimula itong January po ay nag-abiso na po tayo sa mga kababayan po natin na magtipid kasi nga po medyo mababa po sa inaasahan natin ang level po ng Angat Dam,” ayon kay David sa Laging Handa public briefing.
Sinabi ni David na sa kanilang pagtataya, ang suplay na 190 metro ay maaaring ma-stretch hanggang sa Mayo bago pa ito bumaba sa 180 metro, na minimum operating level ng dam.
“Sa ganoong punto po ay mabibigyan po natin ng priority ang supply ng tubig po para sa mga Metro Manila areas,” ani David.
Sinabi pa niya na malapit na ang iskedyul ng pag-aani ng mga magsasaka sa Bulacan at Pampanga. Kaya nga prayoridad ang urban areas para sa water supply sa oras na ma-meet na ng Angat Dam ang minimum operating level nito.
Para sa buwan ng Abril, ang Angat Dam ay nakapag-impok ng 5 cubic meters mula 15 cubic meters kada segundo lalo pa’t ang suplay para sa irigasyon ay nabawasan sa panahon ng pag-aani.
Samantala, ang water supply sa Kalakhang Maynila ay mananatili sa 48 cubic meters per second habang nagpapatuloy ang banta ng COVID-19 pandemic at dahil sa mainit na panahon.
“Kaya po minabuti po ng NWRB na i-maintain po iyong kasalukuyang alokasyon at wala pong pagbabawas na mangyayari po,” ang pahayag ni David.
Sa kabilang dako, sinabi ni David na ang cloud seeding operations ay kinakikitaan ng positibong resulta dahil bahagyang umangat ang water level sa Angat Dam.
Patuloy naman ang ginagawa ng NWRB na cloud seeding sa kahabaan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
“Umaasa po tayo na sa mga susunod na araw ay parehas po ang magiging resulta, at sa tingin po naman natin ay malaki ang naitutulong po nitong cloud seeding operations para po mapanatili sa mas magandang level po ang kasalukuyang level po ng Angat Dam,” ayon kay David.
Bahagi naman ng short-term solution para sa posibleng water supply shortages, pinapayagan ng NWRB ang MWSS at iba pang concessionaires na maghanda ng malalim na balon.
Ang treatment facilities sa Laguna Lake at Marikina river ay naka-standby na rin.
Samantala, gumagawa rin ang NWRB ng water security roadmap upang matiyak na may sapat na suplay ng tubig hindi lamang sa Kalakhang Maynila kundi sa buong bansa. (CHRISTIAN DALE)
111