CAVITE – Tinatayang mahigit sa P2 milyong halaga ng umano’y shabu ang nasamsam sa tinaguriang ‘reyna’ ng mga tulak ng ilegal na droga at tatlong iba pang mga suspek sa ikinasang buy-bust operation sa General Mariano Alvarez (GMA) sa lalawigang ito, noong Martes ng gabi.
Kinilala ang mga arestado na sina Dianne Fides Rongavilla Di, 34; umano’y reyna ng mga tulak; Myka Obias y Tumang, 26; Rechelle Habab y Apion, 27, at Julius Obias y Nunez, 28-anyos.
Ayon sa ulat ni Corporal Marnol Cunanan ng GMA Police Station, dakong alas-6:13 ng gabi, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng PIU/PDEU Cavite PPO, at GMA MPS sa Brgy. Maderan, GMA kung saan nakipagtransaksyon ang tatlong kababaihan sa isang poseur buyer na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto kasama si Obias.
Nakuha sa kanilang pag-iingat ang 300 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P2,040,000 at buy bust money. (SIGFRED ADSUARA)
89