P212.5-M SHABU NASABAT SA PORT OF CLARK

UMABOT sa mahigit 31 kilo ng umano’y shabu ang nasabat ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark, na sinasabing nagmula pa sa New Jersey, USA.

Ayon sa ulat ng PDEA, tinatayang nagkakahalaga ng P212,500,000 ang methamphetamine hydrochloride o shabu na may kabuuang 31,250 gramo, ang kanilang nasamsam sa ikinasang anti-narcotics operation katuwang ang Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF), X-ray Inspection Project (XIP), Enforcement and Security Service at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS).

Nakapaloob ang nasabing droga sa isang parsela na idineklarang “router”.

Una rito, nakatanggap ng derogatory information ang PDEA hinggil sa isang shipment na mula sa New Jersey, USA, na dumating noong Marso 21, 2024 kaya’t nakipag-ugnayan sila sa Bureau of Customs.

Agad isinailalim sa x-ray scanning at K9 sniffing ang kargamento kung saan kapwa nagpahiwatig na posibleng naglalaman ito ng ipinagbabawal na droga.

Kaya isinailalim ito sa pisikal na pagsusuri na humantong sa pagkakatuklas sa 29 vacuum sealed transparent plastic packages, na naglalaman ng crystalline substance na hinihinalang shabu.

Pagkatapos kumuha ng mga sample at itinurn-over sa PDEA para sa chemical laboratory analysis, ay nakumpirma ang methamphetamine hydrochloride o karaniwang kilala bilang shabu, isang mapanganib na droga sa ilalim ng RA 9165.

Isang Warrant of Seizure and Detention ang inisyu ni District Collector Erastus Sandino B. Austria laban sa subject shipment para sa paglabag sa Section 118 (g), 119 (d), at 1113 par. f, I, at l (3 at 4) ng RA No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), kaugnay ng RA 9165.

Pinuri ng District Collector Austria ang PDEA, CAIDTF, ESS, CIIS, at XIP sa kanilang walang tigil na pakikipagtulungan at pagsisikap na pangalagaan ang bansa laban sa pagpasok ng mga ipinagbabawal na droga.

Ayon kay District Collector Austria, ito ang pinakamalaking drug apprehension ng Port of Clark sa isang shipment mula noong 2020.

Binigyang-diin ni BOC Commissioner Bienvenido Y. Rubio, “Pinaigting natin ang mga hakbang sa seguridad ng mga hangganan ng bansa, at sa patuloy na pakikipag-ugnayan sa PDEA at mga katuwang na ahensya para pigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa, ayon sa utos ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos, Jr.”

(JESSE KABEL RUIZ)

202

Related posts

Leave a Comment