QUEZON – Nasabat ng mga tauhan National Bureau of Investigation (NBI) Lucena District Office ang mahigit sa P400,000 halaga ng illegal forest product na lulan ng isang truck sa bayan ng Pagbilao sa lalawigang ito.
Naaresto ang apat na katao na sakay ng truck na nagmula pa sa Visayas. Kinilala ang mga ito na sina Mavie Jusayan Catarus-Escober, Juanito Lara Jr., Julius Abtado Merencillo, at Oeth Doinog.
Ayon kay NBI Lucena District Office head, Bernard De La Cruz noong Miyerkoles, naharang nila ang 12-wheeler truck sa Maharlika Highway, Barangay Malicboy, Pagbilao dakong alas-11:00 noong Linggo ng gabi.
Naglalaman ito ng mahigit na 7,000 board feet ng pinutol na mga “Lauan” na ayon sa pagtataya ng DENR ay nagkakahalaga ng mahigit sa P423,000.
Wala namang maipakitang anomang legal documents ang negosyanteng nagmamay-ari ng mga kahoy.
Ayon pa sa NBI, galing pa ang illegally cut lumbers sa Calbayog City, Samar at ide-deliver sana noong Martes ng gabi sa Malvar, Batangas.
Ikinustodiya ng NBI ang 4 na naaresto at sinampahan ng kasong paglabag sa Forestry Reform Code of the Philippines, as defined and penalized under Section 77 of Presidential Decree No. 705, as amended by Republic Act No. 7161, sa Provincial Prosecutors Office sa Lucena City. (NILOU DEL CARMEN)
487