P50K DONASYON SA SIMBAHAN NINAKAW

LAGUNA – Nilooban ng hindi kilalang suspek ang simbahan ng Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of Guadalupe sa Brgy. Poblacion Uno, sa bayan ng Pagsanjan sa lalawigang ito.

Dakong alas-6:30 noong Sabado ng umaga nang madiskubre ang insidente sa simbahan kung saan sinira ng magnanakaw ang tabernakulo at kinuha rin ang Sacred Host.

Ayon sa imbestigasyon ng Pagsanjan Police, natuklasan na nakapasok ang suspek sa pamamagitan ng pag-akyat sa pader sa likod at saka dumaan sa bintana ng chapel.

Nang makapasok, winasak ang pinto ng parochial office at hinalungkat ang mga gamit at tinangay ang lamang pera ng donation box na tinatayang nagkakahalaga ng P50,000, at isang cellphone.

Natagpuan naman ang nawawalang mga Sagradong Ostiya sa likod ng altar.

Sa pahayag ng pamunuan ng simbahan, pansamantalang ipinagpaliban ang pagsasagawa ng Misa nitong Linggo at pinag-aantabay ang mga magsisimba sa ipalalabas pang announcement hinggil sa insidente. (NILOU DEL CARMEN)

16

Related posts

Leave a Comment