PAGGAMIT NG FIRECRACKERS HINIGPITAN SA QC

PARA maiwasan ang pinsalang dulot ng paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon, ipina-regulate ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang paggawa, pagbebenta at paggamit ng mga paputok sa buong lungsod, at pinapayagan lamang ang fireworks display sa mga pampublikong lugar na inaprubahan ng pamahalaang lungsod.

Bunsod nito, ang mga pribadong sambahayan ay ipinagbabawal na gumamit ng paputok at magsagawa ng sariling fireworks display at idinagdag na ang mga aprubadong paputok at pyrotechnics lamang ang pinapayagang gamitin sa mga pampublikong lugar.

Nabatid sa paliwanag sa kanyang desisyon na mag-isyu ng Executive Order No. 54, S-2022, iginiit ni Mayor Joy Belmonte na ang Department of Health (DOH) ay nakapagtala ng 47 porsiyentong pagtaas sa bilang ng mga emerhensiya at pinsalang may kinalaman sa paputok at dahil sa unregulated at indiscriminate na paggamit ng paputok at iba pang pyrotechnic device noong 2021 kumpara sa kabuuang bilang ng mga kaso noong nakaraang taon.

“We want to minimize, if not totally eliminate, the number of firecracker-related injuries and casualties. We also want to protect homes, commercial buildings and other structures against incidental fires and to lessen the harmful effects of hazardous chemicals and pollutants,” ayon sa alkalde.

Kaugnay nito, sinabi ni Belmonte na kailangan ng pahintulot o awtorisasyon ng Department of Public Order and Safety (DPOS) bago magamit ang isang partikular na pampublikong lugar para sa fireworks display.

Sa isang naunang panayam, sinabi ni Belmonte na magkakaroon ng sariling fireworks display ang Quezon Memorial Circle at mga piling mall tulad ng Eastwood, SM at Robinsons sa iba’t ibang lugar para tangkilikin ng publiko.

Kaugnay nito, nilimitahan din ng alkalde ang pagbebenta ng pinahihintulutang mga paputok at pyrotechnic device sa loob lamang ng mga shopping mall na may clearance mula sa DPOS at espesyal na permit mula sa Business Permits and Licensing Department (BPLD), alinsunod sa Ordinance No. SP-2618, S-2017.

“The sale of the same in places such as public sidewalks, tiangges, stores and similar establishments shall be strictly prohibited,” sinabi pa ni Belmonte, at idinagdag nito, “selling, sharing or giving firecrackers and pyrotechnic devices to minors is also not allowed.”

Samantala, ipinagbabawal ang paggawa, paggamit, pagbebenta at pamamahagi ng iba pang uri ng paputok at pyrotechnic device na maaaring magdulot ng panganib sa buhay ng publiko.

Inatasan ni Belmonte ang Barangay and Community Relations Department (BCRD) na agad na ipamahagi ang guidelines sa lahat ng 142 barangay. Inaatasan din ang barangay officials na magbigay ng kinakailangang tulong sa law enforcement agencies at i-report sa pulisya ang anomang paglabag. (PAOLO SANTOS)

23

Related posts

Leave a Comment