Pasahero nagsimula nang dumagsa TRANSPORT TERMINALS ININSPEKSYON

ININSPEKSYON na ng Land Transportation Office (LTO) ang mga transport terminal bilang bahagi ng kanilang “Oplan Undas.”

Kasabay nito ang random drug test sa mga terminal.

Ayon kay Atty. Alex Abaton ng LTO – Special Legal Assistant to the Office of the Assistant Secretary, layon nitong matiyak ang roadworthiness ng mga pampublikong sasakyan para sa ligtas na pagbiyahe ng mga pasahero.

Bukod sa pagsuri sa kondisyon ng mga PUV, mahigpit ding babantayan ng LTO ang posibleng paglabag sa overloading at overcharging.

Pinayuhan naman ni Abaton ang mga pasahero na iwasang magdala ng mga sobra-sobrang bagahe at mga ipinagbabawal na bagay gaya ng alak at patalim.

Samantala, magpapakalat ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng karagdagang 615 unit ng bus para matugunan ang inaasahang pagdagsa ng mga commuter sa mahabang holiday weekend ng Undas.

Sa public briefing nitong Martes, sinabi ni LTFRB Technical Division chief Joel Bolano na binuksan na ng ahensya ang aplikasyon sa special permits para sa mga out-of-line na operasyon noon pang Oktubre 3.

“Nagkaroon ho tayo ng karagdagan na units. Ito po ay ilalabas daw ng board. May 256 application tayo nag-complement po sa 615 units additional doon po sa mga regular bus routes natin,” pahayag ni Bolano. Ang mga karagdagang bus ay itatalaga sa mga lugar na inaasahang dadagsa ang commuters. (LILY REYES)

168

Related posts

Leave a Comment