NAGTUNGO si Atty. Alex Lopez sa Golden Mosque and Cultural Center sa Globo de Oro St., Quiapo, Maynila nitong Huwebes ng umaga para dumalo at makiisa sa kinaugaliang seremonya ng paglilinis ng moske bilang paghahanda sa pagdiriwang ng Ramadan na magsisimula sa Sabado Abril 2 hanggang Mayo 2.
Nakibahagi rin ang Philippine Coast Guard upang pangunahan ang aktibidad sa Grand Mosque.
Pinaalala ni Lopez na si Pangulong Ferdinand Marcos ang responsable sa pagpapatayo ng Grand Mosque. Nakasabay niya si Senadora Imee Marcos, panganay na kapatid ni dating senador Bongbong Marcos na kasalukuyang tumatakbong presidente ng Pilipinas, sa pagbisita sa naturang moske at malugod silang tinanggap ng mga lider ng Muslim Community.
Maraming kapatid na Muslim ang nagtitinda sa Maynila, at ipinahayag ni Atty. Lopez na isusulong ang karapatan ng mga ito at sisiguraduhin na magkakaroon sila ng marangal na hanapbuhay.
Matatandaan na noong nakaraang linggo, lumagda sina Atty. Lopez, runningmate nitong si Raymond Bagatsing at ilang kumakatawan sa Manilenyong Muslim ng isang kasunduan kung saan nangako silang magkakaisa at magdadala ng mabuti at inklusibong pamahalaan.
132