TINAWAG ni dating House speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez na isang “big political dud” ang Quad committee investigation na inabot ng 13 oras matapos mabigo ang mga ito na makorner si dating pangulong Rodrigo Duterte.
“Natapos ang pagdinig na walang lumabas na bago, walang mahalagang bagong impormasyon, at walang batayan para sa anomang kaso na puwedeng isampa. Lahat ng sinabi ni pangulong Duterte, sinabi na rin niya dati yan, ipinangako pa nga niya noong 2016. Suportado ng taong-bayan yung desisyon nya simulan ang war on drugs, crime, at corruption,” ani Alvarez.
Ayon sa unang speaker ng Kamara sa ilalim ng administrasyon ni Duterte, dahil hindi nadiiin ng mga miyembro ng Quad Comm si Duterte, itinuturing niyang political drama ang nasabing imbestigasyon.
“Kung may kaso, e di file the case. Pero wala eh. Political theatrics lang yung nangyayari,” paglalarawan pa ng kinatawan ng unang distrito ng Davao del Norte sa imbestigasyon ng komite.
Binigyan-diin ng mambabatas na kaya nagkakaroon ng ganitong imbestigasyon ay upang siraan, ngayon pa lamang, ang kalaban ng manok ng kasalukuyang administrasyon sa 2028 presidential election partikular na si Vice President Sara Duterte.
Ginagawa umano ito ng komite dahil alam nilang 80% sa mga Pilipino ay suportado ang dating pangulo sa kanyang war on drugs at iba pang kriminalidad para protektahan ang mamamayan laban sa mga kriminal.
“Hindi kailangan maging henyo para maintindihan yung nangyayari. Mas malaki pa boto ni VP Sara kay BBM. Dagdag pa natin, mataas ang frustrations ng taong-bayan sa administrasyon pagdating sa mga pangakong hindi nagkatotoo. Bumaba ba ang presyo ng bigas? Hindi naman di ‘ba. Tumaas pa nga,” ayon pa kay Alvarez.
Dahil dito, dapat aniyang tigilan na ng Kongreso ang imbestigasyon dahil nagsasayang lang ang mga ito ng oras at pera ng bayan at sa halip ay ipokus aniya ng Kapulungan sa mga totoong isyu tulad ng presyo ng mga bilihin, trabaho para sa mga tao at kriminalidad.
Kung hindi aniya ay posibleng bumalik sa Malacanang si Duterte lalo na’t hindi umano ipinagbabawal ng Saligang Batas ang muli nitong pagtakbo sa 2028 presidential election dahil tanging sa mga incumbent president lamang ipinagbabawal ang reelection para maiwasan ang ginawa ng dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr., na nagtuloy-tuloy sa Malacañang.
Kakasuhan Ng DOJ
Samantala, pinag-aaralan ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kaso laban kay dating pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng paglutang nito sa imbestigasyon ng QuadCom ng Kamara.
Sa isang ambush interview kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, sinabi nito kinausap na niya ang pinuno ng EJK task force para pag-aralan ang posibleng paghahain ng kasong paglabag ng dating pangulo sa Revised Penal Code at iba pang special laws gaya ng paglabag sa Republic Act 9851 na may kinalaman sa international humanitarian law.
Dahil dito, titiyakin umano ng DOJ na hindi magiging duplication lamang ng kaso ni Duterte sa ICC ang mga kasong kanilang ihahain. (BERNARD TAGUINOD/Dagdag na ulat ni JULIET PACOT)
56