UMAPELA ang isang militanteng mambabatas sa liderato ng Kamara na imbestigahan si Vice President Sara Duterte na isinangkot ng whistleblower na si Arturo Lascañas sa drug killings sa bansa.
Ayon kay House Deputy Minority leader and ACT Teachers party-list Rep. France Castro, hindi dapat ipagkibit-balikat ang rebelasyon ni Lascañas lalo na’t maraming inosenteng mamamayan ang napatay sa drug war ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“It is no wonder that VP Duterte’s position is not to cooperate with the International Criminal Court (ICC) because it would seem that she herself is involved in the drug killings and not just her father,” ani Castro.
“No one is above the law. Libu-libo ang pinatay sa drug war ng tatay ni VP Duterte na hanggang ngayon ay hindi pa nakakamit ang katarungan. Paano na sila?,” dagdag pa ng mambabatas.
Sa online press conference ni Lascañas noong Enero 31, sinabi nito na si VP Duterte ang may ideya at nag-imbento sa Oplan Tokhang noong siya ang mayor ng Davao City na ipinatupad naman ng kanyang chief of police na si Sen. Ronald “Bato’ Dela Rosa.
Ang Oplan Tokhang ay ipinagpatuloy ni Dela Rosa nang maging hepe ng Philippine National Police (PNP) kung saan mahigit 6,000 ang napatay subalit kung ang human rights advocates ang tatanungin, higit kumulang sa 30,000 ang napatay sa war on drugs.
“Kaya din ba ayaw makipagtulungan ni VP Duterte sa ICC ay dahil mauungkat ang pagkakasangkot nya sa mga EJKs tulad ng sinabi ni Arturo Lascanas sa kanyang affidavit na isinumite sa ICC?,” tanong pa ni Castro.
Mas lalong hindi katanggap-tanggap na galing sa mga Pilipino ang ginamit aniya sa pagpatay sa mga pinagsususpetsahan sangkot sa ilegal na droga tulad ng pag-amin ng matandang Duterte sa kanyang programa sa SMNI noong Oktubre 2023 kung saan sinabi nito na “ang intelligence fund, binili ko. Pinapatay ko lahat, kaya gano’n ang Davao.” Dagdag pa niya, “yong mga kasama ninyo, pinagtitigok ko talaga. ‘Yon ang totoo.”
(BERNARD TAGUINOD)
151