Sa Zamboanga Sibugay MGA ISDANG TAMBAN, DUMAGSA SA DALAMPASIGAN

ZAMBOANGA SIBUGAY – Laking gulat at tuwa ng mga residente ng Buluan Island sa bayan ng Ipil sa lalawigan nang bumulaga ang tone-toneladang mga isda sa kanilang dalampasigan nitong Miyerkoles ng umaga.

Sa video na kuha ni Jazten Melendez, residente ng lugar, makikitang nagtatalunan sa buhanginan ang buhay pang mga isdang tamban.

Kanya-kanyang lagay sa kanilang lalagyan ang mga residente na sinasabing biyaya umano ito sa kanila ng dagat.

Mapapansing tila naitaboy ng alon ang mga isda patungo sa buhanginan.

Hindi ito ang unang pangyayari na dumagsa ang mga isdang tamban sa mga dalampasigan.

Noong nakaraang buwan, nagkaroon din ng pagdagsa ng naturang mga isda sa dalampasigan ng Sarangani at sa General Santos City.

Ayon sa BFAR, normal lamang ang mga ganitong pangyayari at isa sa mga dahilan ng pagkapadpad ng mga isda sa dalampasigan ay ang pag-iwas nila sa ibang mga isdang predator sa karagatan.

Maaari rin anilang mangyari ito dahil sa biglang pagbabago ng klima ng tubig sa dagat kaya lumalangoy ang mga isda patungo sa mababaw na bahagi ng dagat.

Ayon pa sa BFAR, ligtas namang kainin at ibenta ang mga isda lalo na at kung sariwa at buhay pa ito nang mahuli.

(NILOU DEL CARMEN)

220

Related posts

Leave a Comment