RIOT SUMIKLAB SA TONDO, 2 ARESTADO

UMULAN ng mga bote at bato nang sumiklab ang riot sa dalawang grupo ng mga kabataan ngunit nasawata ang mga ito ng mga tauhan ng Manila Police District na ikinaaresto sa isang 25-anyos na lalaking nahulihan ng baril, at isang binatilyo, nitong Linggo ng madaling araw sa Tondo, Manila.

Nahaharap sa kasong paglabag sa 10591(illegal possession of firearms and ammunition) at alarm and scandal ang suspek na si Ryan Soriano ng P. Herrera 1, Brgy. 26, Zone 1, Tondo.

Arestado rin ang isang 16-anyos na binatilyo na itinurn-over na sa Manila Department of Social Welfare (MDSW).

Base sa ulat ni P/Lt. Col. Harry Ruiz Lorenzo III, commander ng MPD- Moriones Police Station 2, bandang alas-4:30 ng madaling araw nang sumiklab ang gang war ng mga kabataan sa Mel Lopez Boulevard na dating Road 10, sa panulukan ng Lakandula St. sa Brgy. 29, Zone 2 sa Tondo.

Ayon kay Lorenzo, kasalukuyang nagpapatupad ng COMELEC checkpoint ang kanyang mga tauhan sa panulukan ng Moriones at Wagas streets dakong alas-4:00 ng madaling araw, nang makatanggap ng report mula sa isang concern citizen hinggil sa rambulan ng mga kabataan sa lugar.

Sa pangunguna ni P/Major Edwin Malabanan, agad nagresponde ang mga awtoridad kasama ang team ng Tactical Motorized Reaction Unit (TMRU),

Agad namang namataan si Soriano na naaktuhang nagpapaputok ng baril na mabilis nilang inaresto.

Naaktuhan din ng mga awtoridad ang 16-anyos na binatilyo na pinupukol ng mga bote at bato ang kaaway na grupo kaya maging ito ay dinampot din.

Nakuha mula kay Soriano ang isang Combat Commander na .45 caliber pistol, isang buhay bala at isang basyo ng bala. (RENE CRISOSTOMO)

108

Related posts

Leave a Comment