BUGBOG-SARADO ang security guard ng isang exclusive subdivision makaraang gulpihin umano ng isang grupo ng kalalakihan kabilang ang anak ng isang nakaupong kongresista sa Kamara.
Kwento ng biktimang nakilala sa pangalang Jomar Pajares, isang grupo ng kalalakihang lulan ng isang mamahaling sasakyan ang nagtangkang pumasok sa BF Homes sa Parañaque City, sa kabila ng kawalan ng subdivision sticker.
Paliwanag na Pajares, pinakiusapan din umano niya ang lalaking nagpakilalang anak ng isang Congressman Arnie Teves ng Negros Oriental na sa kabilang gate ng subdivision dumaan dahil doon aniya pinahihintulutan ang mga hindi residenteng itinatawag muna sa may-ari ng bahay na kanilang pupuntahan.
Sa halip na tumugon, hinamon pa umano siya ng barilan bago ginulpi at saka tinutukan habang nakaluhod ng suspek na kalaunan ay natukoy sa pangalang Kurt Teves.
Dagdag pa niya, sumusunod lang sila sa patakarang atas na kanilang ipatupad bilang mga guwardiya.
Sa kanyang pagdulog sa isang programa sa telebisyon, inilabas din ang kuha ng CCTV camera sa bukana sa BF Homes kung saan naidokumento mula sa tangkang pagpasok ng mga suspek hanggang sa pananakit sa gwardya.
Kinondena na rin ng pamunuan ng BF Homes ang bruskong nagpakilalang anak ni Congressman Teves. (FERNAN ANGELES)
158