SOLAR POWER MAKABABAWAS NG P40-B GASTOS SA KURYENTE

IMINUNGKAHI ni Sen. Joel Villanueva na pag-aralan ng pamahalaan ang pag-install ng mga solar panel sa mga gusali nito at pampublikong paaralan.

“Kung magkakaroon po ng solar power program ang gobyerno, makakatipid tayo ng bilyong-bilyong piso, makapagpa-aral tayo ng milyon-milyong estudyante, at makakalikha tayo ng libo-libong trabaho,” sabi ng senador.

Ito ang panawagan ni Villanueva nang mapuna ng senador na tumaas ang gastos sa kuryente ng pamahalaan, na P40.06 bilyon noong 2019 mula sa P34.58 bilyon noong 2017.

“Kung tutuusin po, ang P40 bilyon ay 21 beses na mas malaki kesa sa gastos ng pamahalaan sa Philippine Heart Center ngayong taon,” sabi ni Villanueva.

Sinabi rin ng senador na dapat magising na ang gobyerno para maghanap ng mas mura at mas malinis na panggagalingan ng kuryente dahil sa P5.5 bilyong pagtaas sa gastos nito.

Dagdag ni Villanueva na “there’s more sun in the Philippines”, base sa ulat ng Department of Energy na ang average solar radiation ay nasa 128-203 watts per square meter. Katumbas nito ang paglikha ng 4.5-5.5 kWh per square meter kada araw, paliwanag ng senador.

Ayon kay Villanueva, mapoprotektahan din ng solar energy ang bansa mula sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis, gaya ng idinulot ng paglusob ng Russia sa Ukraine.

Kontribusyon na rin ng bansa sa pandaigdigang kampanya laban sa climate change ang paggamit ng solar energy, na locally abundant at isang clean energy source, sabi ng senador.

Hinimok din ni Villanueva na mamuhunan ang gobyerno sa solar power mula sa pondong para sa mga proyektong pang-imprastraktura.

Ayon sa chair ng Senate Committee on Labor, Employment, and Human Resource Management, makakalikha rin ang gobyerno ng libo-libong trabaho mula sa solar power projects.

“Maraming pong mabibigyan ng hanapbuhay kung magkaroon ng solar power program ang pamahalaan. Magiging bahagi ito ng plano nating paglikha ng maraming trabaho para makabangon tayo sa pandemya,” aniya. (ESTONG REYES)

112

Related posts

Leave a Comment