NAKAHANDA umanong muling humarap at magsilbing state witness ang fixer sa Bureau of Customs na nahatulan ng habambuhay na pagkakulong dahil sa pagpapalusot ng may 600 kilo ng shabu na nagkakahalaga sa Php6.4 billion.
Kinumpirma ni Manila 6th District Representative Benny Abante sa ginanap na MACHRA Balitaan sa Harbour View, sa Rizal Park, Manila na nagpahayag si Mark Taguba sa handa siyang maging state witness sa isinasagawang imbestigasyon ng House Quad committee hinggil sa illegal drugs, at extrajudicial killings.
Ayon kay Pastor Benny Abante, na may hawak ng isang investigation panel sa Kongreso na dumidinig sa isyu ng OVP confidential fund, illegal drugs at EJK, kusang nagpahayag ng kagustuhang maging state witness ni Taguba at ituro ang mga tunay na sangkot sa pagpapalusot ng daan-daang kilo ng shabu sa customs.
Nabatid na hiniling ng Quad comm kay Bureau of Correction USEC Gregorio Catapang na ikustodiya ng House si Taguba dahil sa mga death threat na tinatanggap nito na sinasabing mula sa mga tunay na responsable sa pagpupuslit ng droga sa Pilipinas.
“With the request of mister Taguba because of security threat, may I move Mister Chairman that we request the BuCor through Usec. Gregorio Catapang for Mr. Taguba to be transferred to the House Sergeant-at-Arms until the Committee completes its investigation or until the perceived threat is fully eliminated,” mosyon ni Quad co-chairperson Rep. Joseph Stephen Paduano, na nakausap ni Taguba sa ginanap na Quadcom hearing.
Kamakailan ay hinatulan ang 33-anyos na si Taguba ng Manila RTC sa P6.4 bilyong shabu shipment na nakalusot sa Bureau of Customs noong 2017.
Una nang umapela si dating senador Antonio Trillanes sa mga mambabatas na ilipat si Taguba mula sa BuCor, sinabing kabilang ito sa mga testigo sa drug smuggling complaint na inihain niya sa Justice department noong Hulyo. (JESSE KABEL RUIZ)
38