Tanong ng media dinaan sa tawa DRUG USE ISSUE ‘DI MASAGOT NI PBBM

(CHRISTIAN DALE)

SA halip direktang sagutin ang mga alegasyon hinggil sa kanyang paggamit umano ng ilegal na droga, malakas na tawa ang naging tugon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., sa mga mamamahayag kahapon.

Sa ambush interview sa PICC Pasay City, hiningan ng komento ang Pangulo ukol sa ‘motu proprio’ na imbestigasyon ng Senate committee on public order and dangerous drugs sa sinasabing confidential documents ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na kalaunan ay tinaguriang ‘PDEA leaks’ na nagbanggit sa kanyang pangalan kasama ang aktres na si Maricel Soriano na gumagamit umano ng droga.

Sa ulat, sinabi ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo sa pagdinig na isinagawa ng Senado na “non-existent” ang sinasabing pre-operation report at authority to operate na parehong kumalat sa social media.

”There are no such documents, your honor… Siguradong-sigurado po kami. Walang dokumento na ganyan,” ayon kay Lazo.

Nito lamang Abril 2, nagpalabas ng kalatas ang PDEA na nagsasabing walang nakitang dalawang dokumento sa kanilang Plans and Operations Reports Management Information System o PORMIS kaugnay ng sinasabing pre-operation report noong 2012 laban kay Marcos.

Nauna nang pinanindigan ng dating PDEA agent na si Jonathan Morales ang dokumento, katunayan ay siya mismo aniya ang nakapirma roon.

Sa isang panayam kay Morales, sinabi nito na siya ang team leader na nasa likod ng pre-operation report, order letter at authority to operate para hulihin ang artistang si Maricel Soriano at noo’y Sen. Ferdinand Marcos Jr. dahil sa paggamit ng ilegal na droga.

Hindi aniya natuloy ang operasyon dahil mayroong pumigil ngunit tumanggi itong pangalanan dahil na rin sa gagawing imbestigasyon ng Senado.

Bago ito, ibinunyag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasama sa drug watchlist ng PDEA si Marcos Jr. noong panahon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Agad naman itong itinanggi ng PDEA.

82

Related posts

Leave a Comment