TINDAHAN NG PAPUTOK SA BOCAUE ININSPEKSYON

BINISITA at ininspeksyon nina Governor Daniel Fernando at PNP chief, Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang mga tindahan ng paputok sa Bocaue, Bulacan na tinaguriang fireworks capital of the Philippines, para masiguro na ang mga Bulakenyo at pyrotechnic consumers ay magiging ligtas at mapayapa ang pagdiriwang ng Bagong Taon at upang maiwasan ang pyrotechnic-related incidents sa taong ito.

Ang isinagawang inspeksyon sa mga tindahan ay pinangunahan ng inspection team ng PRB, kabilang sina Gov. Fernando at PNP Chief Azurin kasama sina Vice Gov. Alex Castro, pamunuan ng Philippine Pyrotechnics Manufacturers and Dealers Association (PPMDAI), Philippine Fireworks Association, Police Regional Office 3 Regional Director, P/BGen. Cesar Pasiwen, Bulacan Police Director. P/Col. Relly Arnedo, Bocaue Mayor Jonjon Villanueva, Vice Mayor Sherwin Tugna, Department of Trade and Industry (DTI) provincial director Edna Dizon, Department of Science and Technology (DOST), Department of Labor and Employment (DOLE), Provincial Disaster  Risk Reduction Management Office (PDRRMO), at Bureau of Fire and Protection (BFP).

Ayon kay Fernando, ang nasabing pagbisita sa pyro stalls ay upang matiyak na ang rules and regulations na nakasaad sa Republic Act No. 7183 on manufacturing, sale and distribution, ay natutugunan ng manufacturers, dealers at retailers ng mga paputok.

“Ang gusto natin dito ay ang kaligtasan ng lahat. Ipinapakiusap na  rin natin sa mga consumer na ‘wag na silang gumamit ng mga bawal na paputok para hindi na makadisgrasya. Narito rin tayo ngayon para bantayan ang mga nagtitinda at siguraduhin na walang mga ipinagbabawal na mga paputok na binebenta rito. Dagdagan po natin ang ating pag-iingat dahil bukod sa aksidenteng maidudulot nito, may COVID pa rin tayo,” ani Fernando.

Samantala, sinabi ni Vice Gov. Castro na bibisitahin nila ang mga ordinansang naipasa ng Sangguniang Panlalawigan kaugnay sa mga alituntunin at guidelines na ipinatutupad sa pyrotechnic law.
“Kung kailangan mayroon amyendahan, why not para sa kaligtasan ng mga manufacturers, laborers at fireworks consumers lalo na ng mga Bulakenyo,” pahayag ni Castro.
Hinikayat naman ni Azurin ang mga consumer na huwag tangkilikin ang paggamit ng prohibited firecrackers tulad ng watusi, piccolo, super lolo, pla-pla, giant bawang and whistle bomb, goodbye Philippines at iba pang ipinagbabawal na paputok.

Ayon naman kay Mayor Villanueva, nasa 61 licensed dealers at 6 legitimate fireworks factories ang naitala sa munisipyo at inatasan na ang kanilang chief of police sa pagsasagawa ng inspeksyon sa fireworks stores at pabrika bilang paghahanda sa paghihiwalay ng taon.

Aniya, kabilang sa safety measures na ipatutupad ng munisipalidad ng Bocaue ay ang 24/7 monitoring sa nasabing factories at stalls.
Ayon sa Bulacan PNP, mahigpit nitong ipinatutupad ang Executive Order No. 28 sa lahat ng manufacturers at distributors ng pyrotechnics sa lalawigan. (ELOISA SILVERIO)

39

Related posts

Leave a Comment