KAPWA namatay ang isang babaeng OFW at isang motorcycle rider habang sugatan ang isang mag-anak makaraan ang aksidente sa lansangan sa magkakahiwalay na lugar.
Sa lalawigan ng Quezon, dead on the spot ang isang babaeng OFW na nagbibisekleta nang masalpok ng isang utility van sa Maharlika highway sa bayan ng Atimonan, noong Miyerkoles ng umaga,
Grabeng napinsala ang katawan ng biktimang si Jennifer Domacian Galero, 41, residente ng Barangay Buhangin.
Ayon sa report ng Atimonan Police, ang biktima ay nasalpok ng Kia Single Cab Karga utility van na minamaneho ni Randy King, 32, taga Pasay City.
Sa lalawigan ng Batangas, patay ang isang 19-anyos na binatang motorcycle rider nang magulungan ng bus makaraang sumalpok ang sasakyan nito sa tagiliran ng kasalubong na Hyundai H-100 Shuttle van sa bayan ng Rosario sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng umaga.
Kinilala ang biktimang si Jay-M Remandiman, taga Brgy. Timbugan, Rosario.
Batay sa report ng Rosario Police, dakong alas-6:40 ng umaga nang mangyari ang insidente habang tinatahak ng Yamaha NMAX na minamaneho ng biktima ang national highway.
Inaresto naman ng mga pulis ang driver ng van at ng bus na parehong sasampahan ng kaso.
Samantala, sa lalawigan ng Cavite, nilalapatan ng lunas sa ospital ang isang pamilyang magkaka-angkas sa motorsiklo, kabilang ang mag-asawa at dalawa nilang menor de edad na anak, nang tumilapon makaraang masagi ang kaliwang hita ng isa sa mga biktima ng isang pampasaherong jeep sa bayan ng Alfonso sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng gabi.
Isinugod sa Ospital ng Tagaytay ang biktimang si Mario Maradarog, ang misis nitong si Emily at dalawa nilang anak na may gulang na 10-anyos at 7-anyos, dahil sa pinsala sa kanilang katawan.
Kinilala naman ang driver ng pampasaherong jeepney na may plakang DND 293, na si Ponciano Aventurado y Mojica, 67, ng Brgy. Kaytitinga 2, Alfonso, Cavite.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Boyet Soriano ng Alfonso Police, minamaneho ni Maradarog ang kanyang motorsiklo habang angkas ang kanyang pamilya at binabagtas ang kalsada sa Brgy. Kaytitinga dakong alas-7:00 ng gabi nang mangyari ang insidente. (NILOU DEL CARMEN/SIGFRED ADSUARA)
165