CAVITE – Arestado ang isang lalaki matapos natunton sa pamamagitan ng Global Positioning System (GPS) mula sa cellphone na kanyang ibinulsa sa isang birthday celebration sa General Trias City sa lalawigang ito, noong Linggo ng gabi.
Inaresto ang suspek na kinilalang si Ronelon Jaro y Castillo, 51, ng Brgy. Pasong Kawayan 2, Gen. Trias City, Cavite matapos ireklamo ni Jerry Viniegra y Asistores, 44, ng Brgy Bacao 1, Gen. Trias City, Cavite.
Ayon sa ulat ng pulisya, naimbitahan ang biktima ng kanyang kapitbahay na pumunta sa kaarawan nito kung saan nag-inuman sila kabilang ang suspek dakong alas-9:00 ng gabi sa Brgy. Bacao 1, Gen. Trias City, Cavite.
Nang maubusan ng beer, nagkusa ang biktima na kumuha ngunit naiwan niya ang kanyang Realme XT na cellphone na nagkakahalaga ng P20,000, sa lamesa.
Huli na nang mapansin nito na nawawala ang kanyang cellphone kaya sa pamamagitan ng GPS tracking mula sa cellphone ng kanyang kasama, nalaman na malapit lang sa lugar ang kinaroroonan ng kanyang cellphone.
Humingi ng tulong ang biktima sa BPATS at Bacao Patrol team at pagkaraan ay natunton ang cellphone sa bahay ng suspek.
Nakumpiska ang cellphone mula sa suspek na agad inaresto ng mga awtoridad. (SIGFRED ADSUARA)
