(CHRISTIAN DALE)
MULING binira ni Vice President Sara Duterte si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nang hamunin nito sa kanyang Facebook live, Linggo ng gabi ang matataas na opisyal ng gobyerno na sumailalim sa drug test at paalalahanan ang kanyang mga tagasuporta na mayroong karapatan ang mga ito na magdaos ng mapayapang pagtitipon.
Sa isang live video sa kanyang social media page, sinabi ni VP Sara na ginagamit siya ng kanyang kaaway para itago ang kanilang korupsyon.
“Wala na kayong mapuna sa akin. Pinagtatakpan ninyo ang mga kakulangan ng pamahalaan. Ako ang ginagawa ninyong punching bag para hindi napapansin, nakikita, naririnig ng mga tao ang kalokohan, ang korapsyon, at ang katiwalian na ginagawa sa gobyerno,” aniya pa rin.
Hinamon rin niya ang mga opisyal ng pamahalaan kabilang na iyong mga nasa Office of the President (OP) at Kongreso na sumailalim sa drug tests.
“Magpa-drug test tayong lahat sa harap ng taongbayan. Dalawa lang ‘yan mga kababayan—ibigay namin ang mga pangako namin sa inyo noong nangangampanya kami, at ipapakita namin sa inyo na matino kami. Magpapa-drug test kaming lahat. Simulan namin sa Office of the Vice President,” dagdag na wika nito.
Sa kapareho pa ring video, sinabi ni VP Sara na sinusubukan niyang magtrabaho nang maayos sa DepEd subalit hindi niya maintindihan kung bakit patuloy na binabastos ng Kongreso ang budget ng nasabing departamento.
58