PAG-ABUSO NI ROMUALDEZ KINUKUNSINTI NI BBM – VP SARA

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

INAKUSAHAN kamakailan ni Vice President Sara Duterte si House Speaker Martin Romualdez na inaabuso ang pera ng bayan ngunit hinahayaan lamang umano ito ni Pangulong Bongbong Marcos.

Sa isang pahayag, sinabi ni Duterte na may mga video at mga testigo laban sa pagwaldas umano ni Romualdez sa pondo ng bayan.

Ngunit kahit may mga reklamo ay tila kinukunsinti ito ng pinsang si Pangulong Marcos Jr. kaya hindi ito tinatanggal sa pwesto.

Pinuna rin nito ang pag-iikot ng grupo ni Romualdez para mamigay ng ayuda na aniya ay mistulang nagwawaldas ng sariling pera.

Pero patutsada niya, kahit mamigay ng pera ang House Speaker ay hindi ito magiging pangulo ng bansa, o kahit bise presidente at senador dahil malabo itong makakuha ng sapat na boto.

Nanumpa Sa Kongreso

Kahapon ay dumalo na at nanumpa na magsasabi ng katotohanan at pawang katotohanan lamang si Vice President Sara Duterte sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability na nag-iimbestiga kung paano ginamit ang kanyang confidential funds.

Dumating din sa unang pagkakataon ang apat na tauhan nito na sina dating Department of Education (DepEd) Special Disbursing Officer (SDO) Edward Fajarda, asawa nito na si dating DepEd Assistant Secretary Sunshine Fajarda; Gina Acosta, Special Disbursing Officer (SDO) ng OVP at OVP assistant Chief of Staff at Bids and Awards Committee Chair Lemuel Ortonio.

Ang apat na nabanggit ay unang na-cite in contempt at inisyuhan ng arrest warrant at nagpadala umano ng surrender feelers sa komite na pinamumunuan ni Manila Rep. Joel Chua noong Linggo.

Habang naghahanda ang komite sa kanilang pagdinig, pinaigting ang seguridad sa Batasan Pambansa dahil sa natanggap na impormasyon si House Secretary General Reginald Velasco na darating ang Bise Presidente.

Kinuwestyon ni Duterte ang komite sa pagkulong sa kanyang chief of staff na si Zuleika Lopez sa usapin ng due process gayung ang tumanggap aniya ng resignation letter ng DepEd officials ay ang appointing officer na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Ano po ang point of order ninyo?,” tanong ni Chua na sinagot ni Duterte ng “Ang sinasabi ko sa inyo bakit nyo kinukuwestiyon ang due process? Tanungin nyo ang appointing authority, bakit niya tinanggap ang resignation letter?”

Dahil dito, sinuspinde ang pagdinig. Pinayuhan naman ni Antipolo City Rep. Romeo Acop si Duterte na kung may kuwestiyon sa aksyon ng Kongreso laban kay Lopez ay dapat idulog ito sa korte. (May dagdag na ulat si BERNARD TAGUINOD)

51

Related posts

Leave a Comment