Wag nang iasa sa diplomatic protest ‘BALLS’ DAPAT NANG GAMITIN VS CHINA

KAILANGANG pakitaan na ng Pilipinas ng “balls” ang China at itigil na ang paghahain ng diplomatic protest dahil hindi na ito pinapansin ng nasabing bansa.

Ginawa ni House deputy majority leader Erwin Tulfo ang pahayag sa press conference kahapon kasunod ng ilegal na pagpasok ng dalawang research vessel ng China sa Philippine Rise o Benham Rise.

“Let’s just show some balls kahit papano siguro. Let’s stop this diplomatic protest, kung ako tatanungin nyo, it’s not working ladies and gentlemen, it’s not working,” pahayag ng mambabatas.

Isa sa mungkahi ng mambabatas ay hilahin ang mga barko ng China mula sa Philippine Rise na dati na umanong ginagawa ng Pilipinas sa mga dayuhang barko na ilegal na pumapasok sa ating territorial water.

May karapatan aniyang gawin ito ng Pilipinas sa Benham Rise dahil walang karapatan ang China na magsagawa ng exploration sa nasabing lugar lalo’t walang nilagdaang kasunduan ang bansa sa kanila.

“Siguro let’s start showing them na we mean business, na pumasok sa teritoryo namin so huhulihin ka namin, magpaliwanag ka na lang sa korte,” dagdag pa ng kongresista.

Hindi naman naniniwala si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na naligaw lang ang dalawang Chinese vessel sa Benham Rise bagkus ay gustong agawan ulit ang marine at mineral resources ng Pilipinas.

“Gusto yata tayong unahan sa pag-survey at pag-explore ng lamang yaman ng dagat at ng seabed duon,” anang mambabatas.

Kapag hinayaan aniya ang mga ito ay posibleng magaya ang Benham Rise sa West Philippine Sea (WPS) na inangkin na ng buo ng China matapos lumabas sa kanilang survey na hindi lamang ito mayaman sa lamang-dagat kundi sa gaas at langis.

Samantala, binigyang diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang kinalaman ang Estados Unidos sa mga desisyon ng Pilipinas pagdating sa usapin ng West Philippine Sea.

”I always wanted to make it clear, because there is a narrative out there that is going around that we are at the beck and call, practically, of the United States when it comes to these foreign policy decisions, especially surrounding the South China Sea. But let me make it very, very clear,” ayon sa Chief Executive sa pagsasalita nito sa Lowy Institute.

”The Philippines acts for its own interest, and the decisions that we make when it comes to foreign policy are decisions that we make because we believe, and are convinced, and know that it is in the national interest,” dagdag na wika nito.

Ang Estados Unidos aniya ay nagsisilbi bilang “stabilizing force” para sa Pilipinas.

Tinuran pa ng Pangulo na ang foreign policy ng Pilipinas ay naka-angkla sa nagpapatuloy na promosyon at para sa kapayapaan.

Kahapon, muling nagsagawa ng dangerous maneuver ang China Coast Guard kaya nagkaroon ng sea collision nang tumama sila sa barko ng Philippine Coast Guard sa pagtatangkang harangin ang isinasagawang routine resupply mission ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa mga tauhan nitong naka-detail sa BRP Sierra Madre sa may Ayungin Shoal.

“Chinese coast guard and other vessels undertook ‘dangerous maneuvers and blocking’, leading to a collision that resulted in minor structural damage to the PCG (Philippine Coast Guard) vessel MRV 4407,” ayon sa ipinaskil na mensahe ni Philippine Coast Guard Commodore Jay Tarriela sa kanilang social media platform X, dating Twitter.

Kitang-kita sa naka-post na video ng PCG na agad hinagisan ng boya ng mga tauhan nito ang gilid ng kanilang barko upang maiwasan ang matinding impact habang nakatayo lamang sa rail ng kanilang barko ang mga tauhan ng CCG 21555.

Nabatid pa na bukod sa nangyaring banggaan ay ginamitan din ng water cannon ng Chinese Coast Guard ang Unaizah May 1 na isa sa dalawang civilian supply ship na ginamit kahapon sa Rotation and Reprovisioning (RoRe) mission.

Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, hinihintay pa nila ang ulat kung ano ang pinsalang tinamo ng barko habang nagkaroon naman ng minor na sira ang BRP Sindangan.

Ani Col. Trinidad, sa kabila ng mga isinagawang dangerous maneuvers at blocking ng Chinese Coast Guard vessels at Chinese Maritime Militia sa mga barko ng Pilipinas ay naging matagumpay ang RoRe mission.

Samantala, na-monitor din ng AFP na mayroong 43 China Coast Guard vessels at China Maritime Militia vessels sa West Philippine Sea kung saan apat na China Coast Guard ships ang nasa Bajo de Masinloc, sa 17 fishing vessels sa Ayungin Shoal ay mayroong dalawang CCG, apat na militia vessels at isang Chinese Coast Guard ship at 15 fishing vessels naman sa Pag-asa Island.

(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE/JESSE KABEL RUIZ)

108

Related posts

Leave a Comment