IGINIIT ng mga tagasuporta ni Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy na magbitiw si Senador Risa Hontiveros sa kanilang pagtitipon sa harapan ng Senado bilang protesta sa imbestigasyon ng kapulungan sa umano’y mga krimen ng self-proclaimed son of God.
Si Hontiveros ang tumatayong chairperson ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality na siyang nangunguna sa imbestigasyon laban kay Quiboloy.
Ayon kay Kingdom of Jesus Christ’s Political Affairs Coordinator Benjie Gantalao, hindi umano nagiging patas ang Senadora. Kahapon ay na-cite in contempt si Quiboloy dahil sa kabiguang dumalo sa pagdinig ng Senado.
Hiniling din ni Hontiveros kay Senate President Juan Miguel Migz Zubiri ang pagpapalabas ng warrant of arrest laban kay Quiboloy upang maobliga itong humarap sa pagdinig.
Nagpadala naman si Quiboloy sa pamamagitan ng Balayan Law Firm ng sulat sa Senado na humihiling na irecall ang subpoena laban sa kanya sa paggiit na ang pagpapatawag sa lider ng KOJC ng komite na nagdeklara nang guilty siya sa mga alegasyon ay paglabag sa mga karapatan nito.
Hindi naman tinanggap ni Hontiveros ang pahayag ni Quiboloy kasabay ng pagsasabing kung pagbibigyan ang mga ganitong dahilan ay mawawalan na ng kapangyarihan ang Senado sa kanilang imbestigasyon.
Kinontra naman ni Senador Robin Padilla ang naging ruling ni Hontiveros na icite in contempt si Pastor Quiboloy.
Tinanggap ni Hontiveros ang objection ni Padilla subalit ipinaliwanag sa kanya na maaaring ma-overturn ang ruling ng chairperson sa pamamagitan ng majority vote ng lahat ng miyembro ng komite.
Sa pagsisimula naman ng hearing, inilatag ni Hontiveros ang ilang mga punto na nabigyang diin na sa mga naunang pagdinig.
Kabilang dito ang posibleng kakulangan ng rape law para sa legal treatment ng konsepto ng consent kung saan dapat bang pagbigyan ang pagpayag ng biktima dahil sa sakripisyo sa anak ng Diyos.
Ikalawa ay ang mga kakulangan sa labor laws kung saan dapat saklawin ang sinasabing labor activities na voluntary pero may parusa kapag hindi sumunod at kung kapag religious ay hindi na sakop ng batas.
Ikatlo ay may kinalaman sa trafficking na dapat maisama ang pamimilit sa mga indibidwal na mamalimos.
At ikaapat kung dapat magkaroon ng hiwalay na batas laban sa karahasan ng mga religious group.
Ilang oras bago ang pagpapatuloy ng pagdinig ng komite, daan-daang tagasuporta ni Quiboloy ang nagsagawa ng kilos protesta sa harapan ng Senate Compound.
Sigaw nila ay hustisya para kay Quiboloy na anila ay dapat protektahan laban sa mga alegasyon sa kanilang lider.
(DANG SAMSON-GARCIA)
114