Walang kadala-dala NAIA SAPOL MULI NG POWER OUTAGE

MULING binatikos ni Senate committee on public services chairperson Grace Poe ang pamunuan ng Ninoy Aquino International Airport na anya’y tila walang natututunan sa mga nakalipas na aberya sa paliparan kasunod ng power outage nitong Labor Day.

Sinabi ni Poe na ang panibagong insidente ay bunsod ng hindi maayos na sistema sa paliparan kayat libu-libo ang naaberya.

Ang kawalan anya ng air conditioners sa ilang bahagi ng paliparan ay hindi lamang inconvenient sa mga pasahero kundi nagbibigay rin ng negatibong epekto sa kalusugan.

Hindi anya katanggap-tanggap na tuwing may brownout, maaantala ang buong sistema ng airport at ang byahe ng publiko.

Samantala, nais hingan ng malinaw na paliwanag ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang NAIA sa panibagong aberya.

Sinabi ni Villanueva na mistulang sirang plaka na silang mga mambabatas sa paghahayag ng kanilang disappointment sa mga naging kapalpakan sa airport at paulit-ulit din sila sa kanilang panawagan na ayusin at pagandahin ang sistema sa NAIA.

Iginiit ng senador na dapat maging katanggap-tanggap ang rason na ibibigay sa kanila ng pamunuan ng NAIA hindi katulad sa mga nakalipas na aberya na halos hindi nila maunawaan ang mga nais na ibahagi ng mga opisyal ng paliparan.

Ang bagong aberya ay patunay anya na walang improvement ang NAIA sa pagsasaayos ng sistema at hindi anya katanggap-tanggap na mistulang inuupuan lamang ng pamunuan nito ang mga problema. (DANG SAMSON-GARCIA)

105

Related posts

Leave a Comment