MALAPIT nang matapos ang pag-imprenta ng mga balota na gagamitin para sa 2025 elections, at nasa 92% ng 72 milyong balota na kailangan, ang naimprenta na.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia, target nilang mapabilis ang manual at machine verification ng naimprentang balota upang makamit ang deadline para sa distribusyon ng mga balota. Sa ngayon, nasa 32 milyong naimprentang balota na ang naberipika.
Ayon kay Garcia, dapat mapabuti ang kanilang verification process kaya naman kailangang magtanggal ng gamit sa National Printing Office upang lumuwag ang espasyo at madagdagan ng makina at tao na magbe-verify.
Kailangan aniya na makapag-verify ng kahit halos 1.2 milyon na balota sa isang araw para makaabot sa self-imposed deadline para sa distribusyon ng mga balota.
Ipinagpatuloy ang ballot printing noong Enero 27, 205 matapos itong masuspinde kasunod ng pag-isyu ng Supreme Court ng temporary restraining orders laban sa diskwalipikasyon ng ilang kandidato.
Nauna nang sinabi ni Garcia na 1.7 milyong balota ang layong maimprenta sa isang araw na matatapos ngayong buwan ng Marso at hanggang Abril naman ang ballot verification. (JOCELYN DOMENDEN)
