BAM AQUINO, INENDORSO SA VALENZUELA

NANGAKO si Senador Sherwin Gatchalian kay dating senador at independent senatorial candidate Bam Aquino ng panalo kasabay ng pag-endorso sa kanyang kandidatura sa darating na halalan sa Mayo.

“Sisiguruhin namin ang iyong pagpanalo dito sa Valenzuela,” pahayag ni Gatchalian.”Kasama mo kami, kaibigan mo kami. Lahat kami dito, campaign manager mo. Makakaasa ka na dito sa Valenzuela, ipapanalo ka namin,” dagdag ng senador.

Ginawa ni Gatchalian ang endorsement sa pagdalo ni Aquino sa Kuya Win Scholars Assembly sa Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela.

Ayon kay Gatchalian, mahalagang makabalik si Aquino sa Senado dahil may puso siya sa paglilingkod at upang magkaroon ng isa pang kampeon ng edukasyon na tutulong para maiangat ang sistema ng edukasyon sa bansa.

Aniya, sa dami ng mga kandidatong senador, tanging si Senador Aquino ang may adbokasiya sa edukasyon.

“Naniniwala ako sa kakayahan ni Senator Bam ay marami tayong maiaayos pagdating sa sektor ng edukasyon at marami tayong mabibigyan ng oportunidad na makatanggap ng de-kalidad na edukasyon na magagamit nila sa paghahanap ng trabaho,” ani Gatchalian.

Aniya pa, maraming taga-Valenzuela ang nakikinabang sa mga batas na isinulong ni Aquino sa kanyang unang termino. Kasama sa mga ito ang batas ng libreng kolehiyo na kanyang isinulong sa Senado bilang principal sponsor.

Nagpasalamat naman si Aquino kay Gatchalian sa kanyang pag-endorso.

Ayon kay Aquino, si Gatchalian ang isa sa pinakamalakas na boses na sumuporta sa libreng kolehiyo habang ito’y pinag-uusapan noon sa Senado.

“Dito po sa ating edukasyon, napakaraming reporma ang kailangan gawin. At iyong pangako po natin kasama ni Sen. Win, iisa-isahin po natin iyan hanggang makita po natin na ang level ng edukasyon sa ating bansa ay umabot sa tamang lebel at lahat po tayo nakikinabang sa de-kalidad at abot-kamay, abot-kayang edukasyon dito sa Pilipinas,” wika ni Bam.

Sa huling bilang, mahigit 200,000 estudyante ang nakikinabang sa batas sa libreng kolehiyo sa state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs) sa National Capital Region (NCR).Mahigit 150,000 ang naka-enroll sa SUCs at mahigit 65,000 naman sa mga LUC sa Metro Manila.

Bukod sa pagpapalawak ng libreng kolehiyo, nais ni Aquino na tiyaking may sapat na pondo ang libreng pabaon na nakapaloob dito. Itatawid din niya ang batas para sa siguradong trabaho para sa mga Pilipino.

33

Related posts

Leave a Comment