SINAMANTALA ng ilang kalaban sa pulitika ni presidential aspirant Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na batikusin ito sa social media sa naging pagtanggi nito sa isang presidential interview sa programa ng isang popular tv host.
Iginiit naman ng kampo ni BBM na ang pagtanggi nila sa panayam ay hindi para sa mamamayang Filipino kundi para sa iisang tao lamang na isa umanong biased at posibleng maimpluwensyahan ng ilang kandidato upang magamit ang programa.
Nakakalungkot isipin na ang ilan ay sinamantala ang pagkakataon na butasan si Marcos dahil dito upang siraan sa social media.
Sa panahon ng eleksyon ay responsibilidad namin na mga miyembro ng media ang magpahayag kung ano ang mga nangyayari sa ating bansa patungkol sa bawat kandidato at para ito’y mas makilala pa ng mga botante kung ito ba ay karapat-dapat iluklok sa puwesto.
Matagal nang naging mali at marumi ang kalakaran sa tuwing eleksyon, nangyayari talaga na mayroong ilan sa mga kapwa ko taga media ang ginagamit ang kanilang programa o artikulo sa ilang pahayagan upang siraan ang isang kandidato kapalit ang malaking halaga na pinondohan ng kalaban sa pulitika.
Lahat naman ng mga kandidato ay may karapatang tumanggi sa anumang imbitasyon sa panayam lalo’t kung ito’y hindi reliable sa paghahatid ng tamang impormasyon at balita.
Kagaya na lamang ng isang presidential aspirant na suportado ng isang malaking network at ang posibleng kapalit nito ay ang mabigyan sila na muling umere kung sakaling manalo ito sa darating na halalan.
Sa kabila nito ay ikinatuwa pa rin ng kampo ng BBM-SARA UniTeam ang patuloy na suporta ng nakararami na nais ang pagbabago at muling pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text lamang ako sa 09158888410.
(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
