TAWI-TAWI – ‘Timing’ ang pagkakaligtas ng mga kagawad ng 2nd Marine Brigade ng Joint Task Force Tawi-tawi na naatasang maghatid at mag-escort ng Board of Election Inspectors (BEIs), sa pitong pasahero ng tumaob na bangka sa karagatan ng Bongao sa lalawigang ito, noong Martes ng gabi.
Ayon sa ulat na nakarating kay Philippine Marines commandant, MGen. Nestor C. Herico, ang kanyang mga tauhan ay naatasang sumundo at mag-escort sa Board of Election Inspectors at vote counting machines mula sa Lato-Lato Elementary School, nang mapuna nila ang tumaob na bangka sa bisinidad ng Barangay Lato-Lato at mga sakay nitong humihingi ng saklolo sa pamamagitan ng ilaw.
Naabutan ng tropa ng 2nd Marine Brigade ang pitong biktima na nakakapit sa tumaob na bangka na kinilalang sina Nurkaiza Maduid, 42-anyos; Nadania Aripin, 31; Sherie Abdulasan, 52; Erzaida Monteron, 33; Apra Tuanparis, 12; Omar Tuanparis, 29, at Sadeeq Tuanparis, 30.
Ang mga biktima na pawang mula sa Barangay Lamion, ay dinala ng mga tropa sa headquarters ng 82nd Marine Corps sa Lamion Wharf.
Pinuri naman ni 2nd Marine Brigade commander, Brig. Gen. Romeo Racadio ang tropa sa kanilang pagresponde sa mga nangangailangan ng tulong sa gitna ng pagganap ng kanilang election duty. (JESSE KABEL)
