RIZAL – Isang bangkay ng batang babae na nakasilid sa sako ang nadiskubre sa Lupang Arenda, Brgy. Sta. Ana sa bayan ng Taytay sa lalawigan dakong alas-12:00 ng madaling araw nitong Biyernes.
Kinilala ang biktimang si Rylai Kaye Barunn, 8-anyos, residente ng Barangay Sta. Ana, Taytay, unang napaulat na nawawala noong Miyerkoles ng hapon.
Ayon sa report, nakita ng isang 43-anyos na babaeng residente sa lugar ang isang sakong asul na may nakasilid na kahina-hinalang bagay na iniwan sa unahan ng isang nakaparadang sasakyan sa Mabunga St. Purok 5.
Agad itong ini-report sa mga awtoridad at nang buksan ay tumambad ang bangkay ng bata.
Panawagan sa mga awtoridad ng mga magulang ng bata na mabigyan ng hustisya ang brutal na sinapit ng kanilang anak.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pangyayari at inaalam kung ano ang ikinamatay ng bata at sino ang may kagagawan sa krimen. (NILOU DEL CARMEN)
