PDL SA QC JAIL NAKINABANG SA MOBILE KITCHEN, HOSPITAL

BILANG pagbibigay halaga, nakinabang ang daan-daang Person Deprived of Liberty (PDL) sa mobile kitchen at mobile hospital na ipinagkaloob ni League of Municipalities of the Philippine (LMP) President Emeritus Luis Chavit Singson sa Quezon City Jail nitong Sabado (Setyembre 14).

Sa ulat, bumisita si Singson kasama ang kanyang anak na si Congresswoman Richelle Singson ng Ako Ilocano Party-list sa mga inmate ng Quezon City Jail sa Payatas at nagkaloob na mainit na pagkain sa pamamagitan ng mobile kitchen at pangangalagang medical sa pamamagitan ng isang mobile na ospital.

Hindi lang PDLs kundi maging kanilang mga mahal sa buhay na bumisita ang nasiyahan sa pagkain nang magkasama dahil pinapayagan din silang makibahagi sa ‘hot arrozcaldo’ na inialok ng mobile kitchen ng mga Singson.

Ang iba pang mga PDL ay nag-avail naman ng libreng medical check-up at konsultasyon mula sa mga doktor at health worker, hiniling ng mga Singson na makasama sila sa kanilang medical mission at outreach program.

Samantala, ang jail facility ay kasalukuyang mayroong 4,200 PDL. Ngunit ang 2.3 ektarya na lugar, ayon sa Bureau of Jail Management and Penology ay kayang mag-accommodate ng hanggang 12,000 inmate.

Sa pagtatapos ng programa, sinabi ng nakatatandang Singson na ang outreach program ay isinagawa mula sa kahilingan ng mga opisyal ng BJMP at malugod niyang tinanggap, dahil naisagawa na nila ng kanyang anak na babae ang ilang medical mission at outreach program sa iba’t ibang lugar sa bansa na mas mababa ang target.

Si Singson na nag-anunsyo na muling susubukan tumakbo sa Senado bilang isang independiyenteng kandidato ay nangakong gagawa ng higit pa para sa mga PDL sa pamamagitan ng pag-aalaga sa kanila at sa kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho sa tulong ng kanyang business partners hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong Asya gaya ng Japan, Taiwan at Korea. (PAOLO SANTOS)

148

Related posts

Leave a Comment