Isang taon matapos na mailunsad ang ating Bantay OFW mobile apps noong Hunyo 23, 2019 ay ating napatunayan ang kahalagahan nito para sa ating mga kabayaning OFW saan mang sulok ng mundo.
Sa kasalukuyan, tanging ang Bantay OFW mobile app lamang ang may kakayanan na kamustahin ang ating mga kabayani apat na beses sa isang buwan. Sa pamamagitan kasi ng libreng pag-download ng Bantay OFW mobile app sa android playstore at matapos na makapag-Sign Up, ay regular nang makatatanggap ng pangungumusta ang lahat ng mga nag-register dito.
Tuwing araw ng Biyernes ay magpapadala ang Bantay OFW ng mensahe na “Kamusta Kabayan” na maaaring sagutin sa ‘click button’ na Mabuti o Hindi Mabuti. Kung sakaling “Hindi Mabuti” ang magiging tugon ay mamimili ang nakarehistro ng mga dahilan kung bakit hindi mabuti na agad na matatanggap ng ating Bantay OFW Help Center.
Ito naman ay ipadadala agad sa mga ahensya upang sa gayun ay maipaalam sa ahensya ang kasalukuyan na sitwasyon upang maaga pa lang ay matulungan na ang ating mga kabayani.
Sa susunod na buwan, ay ating ilulunsad ang malaking pagbabago sa ating Bantay OFW mobile app. Sa pakikipag-ugnayan sa I-Vitta at Hiya na isang kompanya na nakabase sa UK, ay magkakaroon ng pagkakataon ang ating mga kabayani na direktang matawagan ang kanilang pamilya, OWWA Hotline, Bantay OFW Help Center at maaari ring makatawag sa Ako OFW Teleradyo para makapag-chikahan sa oras ng programa.
Ilan lamang ito sa mga pagbabago at pagpapa-unlad ng serbisyong may malasakit ng Ako OFW para sa ating mga kabayani. Kung kaya hinihikayat natin ang lahat ng OFW o maging ang mga paalis pa lamang ng bansa na mag-download na ng Bantay OFW mobile app sa android playstore upang masiguro na kayo ay ating regular na makakamusta para sa inyong kapakanan habang nasa ibang bansa. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
175