DPA BENARD TAGUINOD
KUNG merong dapat bantayan ang Department of Energy (DOE) kapag panahon ng oil price increase ay ang mga gasolinahan sa mga probinsya dahil pakiramdam ng mga tao ay karaniwang nagkakaroon ng dayaan sa ganitong mga panahon.
Open secret na sa mga probinsya na kung hindi sabungan ang negosyo ng local officials ay gasolinahan lalo na sa mahihirap na mga bayan na matagal nang nasa kontrol ng pamilya ng mga politiko.
Kapag may inaanunsyo na magkakaroon ng oil price hike, asahan mo na hindi ka na makapagpapakarga lalo dahil biglang magsasara ang mga gasolinahan na ang pangalan ay hindi tulad ng malalaking oil companies.
Maglalagay sila ng karatula sa kanilang gasolinahan na ubos na ang kanilang diesel o gasolina depende kung alin ang tataas ang presyo nang mas malaki, na sa palagay ko hindi tama at pakiramdam ng mga tao ay sadyang ayaw magbenta para kapag naipatupad na ang oil price hike ay mas malaki ang kanilang kikitain.
Kung talagang ubos ang stock, bakit sa mismong araw ng oil price increase ay may naibebenta na agad sila? Ibig bang sabihin dumating agad ang inorder nilang supply na nabili nila sa mas mahal na presyo lalo na sa malalayong mga probinsya?
Kaya malakas ang hinala ng consumers na sinasadyang huwag ibenta ang natitirang supply para mas malaki ang kanilang kikitain lalo na’t nabili nila ang kanilang produkto sa murang presyo.
Binabalewala ito ng DOE kahit malinaw na malinaw na isa itong pandaraya sa consumers na imbes tulungan sa gitna ng kahirapan ay pinagkakakitaan pa ng local executives na may-ari ng mga gasolinahan.
Kung talagang may pakialam ang DOE at pinoproteksyunan nila ang interes ng mamamayan, dapat nagsasagawa sila ng inspeksyon sa mga gasolinahan sa mga probinsya para masiguro na hindi itinatago ang supply para maibenta ito sa mas mahal na presyo.
Takot lang kaya ang DOE sa mga probinsya kaya nagbulag-bulagan sila sa ganitong gawain dahil ang mga may-ari ng gasolinahan sa mga bayan ay mga politiko o wala talaga silang silbi sa kanilang trabaho?
Isa pa, siguro hindi naman lahat, pero marami ring gasolinahan na pag-aari ng politikong nasa kapangyarihan sa isang bayan ang hindi nagbibigay ng resibo kaya siguradong hindi nagbabayad ang mga iyan ng tamang buwis.
Kung hindi ka hihingi ng resibo, hindi ka bibigyan gayung otomatik sana itong ibibigay dahil diyan ibinabase ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang sisingilin nilang buwis pero kung hindi nagkukusa ang mga gasolinahan na pag-aari local executives, anong masisingil na buwis sa kanila lalo na’t karamihan sa mga nagpapakarga ay mga tricycle?
Palagay ko alam ito ng BIR pero tulad ng DOE ay tumatahimik na lamang sila dahil ayaw nilang makabangga ang local executives na may-ari ng mga gasolinahan, kaya walang silbi ang mga ahensyang ito pagdating sa mga probinsya.
