BAR PASSERS HINIMOK SUMAMA SA LABAN KONTRA KURAKOT

UMAPELA ang isang abogadong mambabatas sa mga bagong pumasa sa 2025 Bar Examination na gamitin ang kanilang propesyon sa paglaban sa katiwalian at pang-aabuso ng mga nasa kapangyarihan.

“Maging mga ahente sana tayo ng ordinaryong Pilipino tungo sa pagpapalaya sa sambayanan mula sa katiwalian at pang-aapi!” pahayag ni Kabataan party-list Rep. Atty. Renee Co.

Noong Miyerkoles, inilabas ng Korte Suprema ang resulta ng 2025 Bar Exam kung saan 5,594 ang pumasa mula sa 11,420 examinees. Nakaplanong manumpa ang mga bagong abogado sa susunod na linggo.

Ayon kay Co, nahaharap ang bansa sa malalim na krisis bunsod ng kawalan ng hustisyang panlipunan, pang-aapi sa mga manggagawa at magsasaka, paglabag sa karapatang pantao, at higit sa lahat ay laganap na katiwalian.

Nagpaabot din ng mensahe si Akbayan party-list Rep. Atty. Chel Diokno sa mga bagong abogado, at pinayuhan naman ang mga hindi pumasa na huwag mawalan ng pag-asa.

“May you always carry in your hearts and minds a deep commitment to serve and protect the welfare of our fellow Filipinos, especially those who lack the means to stand up for and defend their rights,” ani Diokno.

Samantala, iginiit ni Associate Justice Amy Lazaro-Javier na mas mahirap ang Bar Examination sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa. Ayon sa kanya, Pilipinas lamang ang nananatiling gumagamit ng tradisyunal na essay-type exam, samantalang multiple choice ang bar exam sa karamihan ng mga bansa.

Dagdag pa niya, isa rin ang Philippine Bar sa may pinakamalawak na saklaw sa lahat ng licensure examinations sa bansa.

Sa panayam naman kay Ezra Adeia Louis Solano, isa sa mga pumasa sa 2025 Bar Exam, apat na beses muna siyang kumuha ng pagsusulit bago tuluyang pumasa. Aniya, kulang ang isang taong review at kinailangan pa niyang huminto sa pagtatrabaho upang ganap na makapagpokus sa pag-aaral, patunay na hindi basta-basta ang laban patungo sa pagiging ganap na abogado.

(BERNARD TAGUINOD/JULIET PACOT)

86

Related posts

Leave a Comment