IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pagpapatupad ng general amnesty para sa mga negosyante, private employers, at self-employed na hindi nakapagbayad ng kanilang kontribusyon.
Ibig sabihin, wala nang interes na ipapataw sa mga unpaid PhilHealth contributions.
“Sa patuloy nating pagtulong sa ating mga kababayan, lalo na sa healthcare, inutusan ko po ang PhilHealth na magpatupad ng general amnesty para sa mga negosyante, private employer at self-employed na hindi nabayaran ang kontribusyon,” pahayag ng Pangulo sa isang video message.
Aminado si Marcos na ramdam ng publiko ang buwanang 3% na kontribusyon sa PhilHealth.
“Alam naman namin na ‘yung 3% na binabayad buwan-buwan ay ramdam na ramdam ng ating mga kababayan,” aniya.
Sa ilalim ng amnesty program, tinatayang mahigit 300,000 beneficiaries ang makikinabang. Bibigyan ng isang taon ang mga employer at self-employed upang bayaran ang kanilang kakulangan sa kontribusyon mula Hulyo 2013 hanggang Disyembre 2024, nang walang anumang dagdag na singil sa interes sa pamamagitan ng one-time waiver.
Layunin ng hakbang na ito na pagaanin ang pasanin ng mga employer at self-employed at mapalawak ang saklaw ng PhilHealth upang mas maraming Pilipino ang makinabang sa serbisyong pangkalusugan.
Kasabay nito, hinikayat din ng Pangulo ang mga employer na i-update ang kanilang impormasyon at irehistro ang kanilang mga empleyado sa Yaman ng Kalusugan (YAKAP) Program ng pamahalaan.
Sa ilalim ng YAKAP Program, maaaring mag-avail ang mga miyembro ng libreng checkup sa accredited clinics, gamot sa partner-pharmacies, laboratory services, at cancer screening tests.
“Kahit sino pwedeng sumali sa YAKAP Program dahil ang mabuting kalusugan ay karapatan ng bawat Pilipino,” pahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
(CHRISTIAN DALE)
89 