ISANG pasahero ang nasugatan matapos magbanggaan ang isang pampasaherong barko at isang tugboat malapit sa Isla Verde Passage sa pagitan ng Batangas City at Calapan City nitong Miyerkoles ng madaling araw.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Philippine Coast Guard, nangyari ang banggaan bago mag-1:00 ng madaling araw sa layong 2 nautical miles sa south east ng Isla Verde, sa pagitan ng pampasaherong Fastcat M19 at tugboat na MT Migi.
Patungong Calapan City ang Fastcat habang parungo naman sa Antique ang tugboat na may hatak na barge na may kargang mga semento.
Nawasak ang itaas na bahagi ng kanang likuran ng Fastcat dahil sa banggaan.
Agad na itinakbo sa ospital ng rescue team ng Calapan City Disaster Risk Reduction and Management Office, ang sugatang pasahero ng Fastcat na si Jefferson Visca.
Parehong nasa Calapan Port na sa Oriental Mindoro ang dalawang sasakyang pandagat habang patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon kung bakit nagbanggaan ang mga ito.
(NILOU DEL CARMEN)
