QUEZON – Isang barko ang bahagyang nasunog habang naglalayag sa karagatang sakop ng Brgy. Mangero sa bayan ng San Andres sa lalawigan dakong alas-9:00 ng gabi noong Miyerkoles.
Ayon sa San Andres Police, may sakay na 92 pasahero at 53 crew ang barko ng KHO Shipping Lines na galing sa Aroroy, Masbate at patungo sa Port of San Andres sa Quezon nang mangyari ang insidente.
Sinasabing dahil sa problema sa electrical wiring kaya bahagyang nasunog ang bahagi ng barko.
Agad din namang naapula ng mga crew ang apoy at ligtas na naitakbo at nakadaong ito sa pier ng San Andres.
Wala namang naiulat na nasaktan sa lahat ng mga pasahero at mga crew.
(NILOU DEL CARMEN)
36
