MIYEMBRO NG BASAG-KOTSE NABARIL NG BIKTIMA

LAGUNA – Natunton at naaresto ng mga pulis ang isang lalaking miyembro ng basag-kotse na bumiktima sa mga motorista sa Calamba City at karatig na mga lugar, matapos mabaril ng isa sa mga biktima sa Brgy. Halang, sa sabing lungsod noong Miyerkoles ng hapon.

Kinilala ng Calamba City Police ang suspek sa pangalang “Geraldine”, 22, residente ng Tondo, Manila.

Ayon sa police report, kasama nito ang isa pang suspek na nagngangalang “Andrew”, sakay ng puting Honda ADV, habang nambibiktima ng nakaparadang mga kotse sa Calamba City dakong alas-5:30 ng hapon.

Ayon sa biktima na si “Julius”, nakaparada ang kanyang Mitsubishi Montero SUV sa harap ng isang coffee shop, nang biglang basagin ni Geraldine ang bintana ng kanyang sasakyan gamit ang isang matulis na bagay.

Sinubukan niya itong pigilan ngunit hindi tumigil ang suspek at nagkaagawan pa sila sa baril ng biktima na nasa loob ng shoulder bag sa loob ng sasakyan.

Nagpambuno ang dalawa at nasaksak pa ang biktima nang ilang beses pero nagawa pa rin nitong mabunot ang kanyang lisensyadong 9mm na baril at naputukan ang suspek na tinamaan sa kanang bahagi ng dibdib.

Agad na tumakas ang dalawang suspek sakay ng kanilang motorsiklo.

Agad namang nag-report sa pulisya si Julius hanggang sa matunton at maaresto ang nabaril na suspek habang nagpapagamot sa JP Rizal Memorial Hospital.

Kasalukuyan pa ring tinutugis ng Intel Section ng Calamba City Police Station ang kasabwat nito.

Narekober mula sa suspek ang jacket na suot nito sa insidente ng pagnanakaw, kasama ang iba pang ninakaw na gamit mula sa naunang biktima na si Robert Laurel Hernandez.

Kabilang sa nakuhang mga bagay ay isang Tag Heuer wristwatch at isang Jo Malone cologne na nagkakahalaga ng P8,500.

(NILOU DEL CARMEN)

53

Related posts

Leave a Comment